Home NATIONWIDE BIR box ng mag-asawang Mans at VP Sara dapat buksan nang walang...

BIR box ng mag-asawang Mans at VP Sara dapat buksan nang walang executive session – de Lima

1
0

MANILA, Philippines – Dapat buksan at markahan ang selyadong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga tax record ng mag-asawang sina Viice President Sara at Mans Carpio nang hindi na nangangailangan ng executive session.

Ito ang iginiit ni House impeachment prosecutor at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila  de Lima matapos hilingin ng defense team ng Bise Presidente na magsagawa ng isang executive session para sa pagbubukas ng nasabing BIR box, bagamat hindi naman sila hayagang tumututol na buksan ito.

Naniniwala rin si De Lima na walang sapat na dahilan para magkaroon pa ng isang saradong pagpupulong o executive session kung ang layunin lamang sa kasalukuyan ay buksan ang kahon at markahan ang mga nakapaloob dito.

“At least my position is that hindi naman kailangan ng executive session. Bakit kailangan pa ng executive session?” giit nito.

Ipinaliwanag ng mambabatas ang pagbukas sa box ay para markahan lamang ito at hindi pa sa usapin  kung tatanggapin ba ito bilang pinal na ebidensya o kung gaano kabigat ang halaga na ibibigay nito sa trial.

Aniya, maaari namang pagtalunan nang hiwalay ang mga pagtutol hinggil sa confidentiality, ngunit dapat payagan ang prosekusyon na markahan ang mga dokumento dahil kasama ito sa kanilang opisyal na listahan ng mga ebidensya.

Inihayag pa ni De Lima na maging ang kampo ng depensa ay naglista rin ng “BIR submissions” sa kanilang mga inirereserbang ebidensya.

Pinaniniwalaang naglalaman ang kahon ng mga Income Tax Returns (ITRs) ni VP Sara at ng kanyang asawa gayundin ang mga rekord ng buwis ng mga kompanya kung saan mayroon silang interes sa negosyo.

Para sa prosekusyon, simple at diretso lamang ang dapat maging susunod na hakbang ng Senado: buksan ang BIR box, kilalanin ang mga nasa loob, at markahan ang mga dokumento para sa pormal na konsiderasyon ng impeachment court. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here