Home HOME BANNER STORY Pasugalan tinabunan ang pamahalaan

Pasugalan tinabunan ang pamahalaan

3
0

BATANGAS, Philippines – Binatikos ng mga mamamayan ng Sto. Tomas, Batangas ang pagtatayo ng isang dambuhalang karatula ng pasugalan sa kanilang lugar.

Ayon sa isang lider-politikal na nakabase sa Batangas na tumangging ipabanggit ang pangalan, lantaran at harapang bastusan na umano ang naturang karatula ng Playtime on line casino na makikita sa ibabaw naman ng karatula ng tanggapan ng Bureau of Internal Revenue Region 9A-CaBaMiRo na matatagpuan sa Sto. Tomas Batangas.

Aniya’y “Kapag tinignan mo parang ‘yung opisina ng BIR ay under sa Playtime Casino sa laki ng karatula nito.”

Base sa pahayag ng naturang lider, hindi umano ito sang-ayon sa nangyayari ngayon sa ating pamahalaan na kung saan ipinagbawal na ang Philippine Off Shore  Gaming Operations o mas kilala sa tawag na POGO pero pinalakas naman ang Philippine Gaming Corporation o PGO.

Nabatid na ang parokyano ng mga POGO operators ay pawang mga dayuhan na tumataya sa online gaming na galing sa bansang China, Vietnam, Malaysia at marami pang iba, subalit sa kasalukuyang sistema sa PGO ay pawang mga Filipino na lang ang tumataya sa pasugal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.

Kawawa ang maliliit nating kababayan na karamihan nang nagiging mananaya ngayon gaya ng mga tricycle, jeepney drayber at maliliit na manggagawa.

Dahil sa nangyayaring ito, lalong lumalaganap ang kahirapan sa ating bansa at inilulugmok tayo ng kasalukuyang administrasyon sa sugal.

Tahasan din nitong sinabi sa pamahalaan na “Akala ko pa naman, kaya nila pinigilan ang POGO ay dahil ayaw nila ng sugal? Pero iba pala ang gusto nila. Paano pa kaya natin maiaahon sa kahirapan ang ating bansa na natabunan ng mga pasugalan ang pamahalaan?” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here