MANILA, Philippines – Hindi na kinakailangang magsumite ng negative HIV medical certificate ang mga Pilipinong bumiyahe sa Oman sa ilalim ng 14-day visa-free entry program, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na inalis na ng pamahalaan ng Oman ang naturang requirement para sa lahat ng Pilipinong gagamit ng visa-free entry privilege.
“The Department of Foreign Affairs informs the public that all Filipino travellers to Oman availing of the visa-free entry privilege for 14 days stay are no longer required to present a negative HIV medical certificate,” ayon sa DFA.
Malugod na tinanggap ng DFA ang hakbang at nagpasalamat sa pamahalaan ng Oman, na anila’y patunay ng matibay na ugnayan ng Pilipinas at Sultanate of Oman.
“The DFA expresses its appreciation to the Omani government in light of this positive development, which is a testament to the excellent relations between the Republic of the Philippines and the Sultanate of Oman,” dagdag ng ahensya.
Dumating ang desisyon mahigit dalawang buwan matapos pormal na hilingin ng pamahalaang Pilipinas sa Oman na alisin ang naturang requirement sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Omani Embassy sa Maynila.
Nauna nang nilinaw ng Omani Embassy na ang HIV test requirement ay para lamang sa mga Pilipinong gagamit ng visa-free entry at hindi saklaw ang overseas Filipino workers at mga may hawak ng work visa. Noong Abril, ipinaalam din nito sa mga awtoridad ng Pilipinas na isinasailalim na sa review ang polisiya.
Naging usapin ang patakaran matapos makatanggap ng ulat ang Philippine Embassy in Oman noong Abril 13 na may ilang Pilipinong biyahero ang hinihingan ng HIV test results bago payagang makapasok sa bansa.
Noong panahong iyon, pinayuhan ng embahada ang mga biyahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa pinakabagong travel requirements. Dave Baluyot