Home NATIONWIDE Kauna-unahang Walang Gutom Kitchen sa M’danao, binuksan ni PBBM

Kauna-unahang Walang Gutom Kitchen sa M’danao, binuksan ni PBBM

3
0

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbubukas ng pangatlong Walang Gutom Kitchen at una sa Mindanao, bilang pagpapalawak ng flagship anti-hunger program ng gobyerno at bahagi ng pagsisikap na matiyak na walang Pilipino ang magugutom.

Ang bagong Department of Social Welfare and Development (DSWD)-run facility sa Zamboanga City ay inaasahang makapagbibigay ng masustansiyang pagkain araw-araw sa 150 hanggang 200 benepisyaryo habang nagsisilbi bilang isang hub para sa complementary social protection services.

Ang nasabing pagbubukas ay tanda ng pinakabagong pagpapalawak ng Walang Gutom Program (WGP) ng gobyerno, ang flagship anti-hunger initiative ng administrasyon na inilunsad noong 2023 at na-institutionalize sa pamamagitan ng Executive Order No. 44 na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong 2024.

Itinatag ang programa kasunod ng direktiba ni Pangulong Marcos na tugunan ang food insecurity at bawasan ang involuntary hunger sa hanay ng mga pamilyang Pilipino.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang Zamboanga facility ay mag-ooperate kasama ng iba pang government social intervention programs, kabilang ang Pag-abot Program ng DSWD, na tutulong sa mga indibiduwal at pamilyang nasa lansangan, at ang Tara, Basa! Tutoring Program.

Ang Zamboanga Kitchen ay pangatlong pasilidad sa bansa, kasunod ng pagkakatatag ng unang Walang Gutom Kitchen sa Pasay City noong December 2024 at ng pangalawang pasilidad sa Cebu City, na pinasinayaan ni Pangulong Marcos noong nakaraang linggo kasama si DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Hindi katulad ng traditional feeding programs, ang Walang Gutom Kitchens ay nag-ooperate bilang community-based food banks na nagbibigay ng libre at masustansiyang almusal at tanghalian araw-araw para sa mga natukoy na benepisyaryo at walk-in clients na nakararanas ng involuntary hunger.

Ang pinakabagong pagpapalawak ay isinagawa habang iniulat ng gobyerno na may mahigit 501,000 pamilyang Pilipino na ang nakikinabang sa pinalawig na Walang Gutom Program sa buong bansa.

Itinutulak din ng administrasyon na ma-institutionalize nang permanente ang programa sa pamamagitan ng batas na nakabinbin sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, sa layuning gawing pangmatagalang commitment ng pamahalaan ang mga anti-hunger intervention habang pinalalakas ang suporta para sa mahihirap na pamilya at lokal na agrikultura. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here