GENERAL SANTOS CITY — Natagpuang patay at nakalibing sa isang mababaw na hukay ang isang 27-anyos na dating overseas Filipino worker (OFW) na ilang araw nang naiulat na nawawala sa General Santos City.
Ayon sa pulisya, nadiskubre ang bangkay ng biktima sa Barangay Ligaya noong Sabado ng gabi matapos iulat ng mga residente ang masangsang na amoy na nagmumula sa lugar. Nagsisimula na umanong maagnas ang labi nang ito ay mahukay.
Sa imbestigasyon, kinilala ang biktima bilang isang dating OFW sa New Zealand na kalaunan ay naging negosyante ng baka at residente ng Barangay San Isidro. Naiulat siyang nawawala mula pa noong Hunyo 24.
Natagpuan din ng mga awtoridad ang motorsiklo ng biktima sa Barangay Alegria, Alabel, Sarangani.
Ayon sa pamilya, may dala umanong mahigit P200,000 ang biktima nang umalis upang bumili ng mga baka mula sa isang online agent na nakatransaksiyon niya sa Barangay Ligaya. Mula noon ay hindi na umano ito nakauwi.
Habang isinasagawa ang paghahanap sa biktima, sinabi ng pamilya na kanilang nakausap ang naturang ahente, na nagsabing wala umano siyang nalalaman sa kinaroroonan ng negosyante.
Dahil sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya, sumuko noong Linggo ng gabi ang isang 19-anyos na lalaki. Makalipas ang dalawang oras ay sumuko rin ang isa pang 19-anyos na suspek, habang isang 26-anyos na lalaki ang sumuko naman kinabukasan. Kabilang sa mga sumuko ang online agent na nakipagtransaksiyon umano sa biktima.
Ayon kay General Santos City Police Station 3 Commander Police Major Renato Dunca Jr., umamin umano ang mga suspek sa isinagawang custodial investigation na pinukpok nila ng martilyo ang biktima bago ito inilibing sa mababaw na hukay.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa krimen. Ayon sa pamilya ng biktima, posible umanong may kaugnayan ito sa hindi pagkakaunawaan sa pagbabayad ng natitirang utang ng isa sa mga suspek kaugnay ng bentahan ng mga baka.
Samantala, sinabi ng pulisya na walang natagpuang P200,000 sa bangkay ng biktima. Itinanggi naman umano ng mga suspek na kumuha sila ng anumang halaga mula sa biktima.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek. Mary Anne Sapico