Home NATIONWIDE Bonoan dapat ‘tell-all’ at magsaoli ng pera ‘pag naging state witness –...

Bonoan dapat ‘tell-all’ at magsaoli ng pera ‘pag naging state witness – Lacson

4
0

MANILA, Philippines — Naniniwala si Senador Panfilo Lacson na mahalagang maisiwalat ni dating Manuel Bonoan ang kaniyang nalalaman kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa mga flood control project, ngunit sinabi rin nitong nararapat na maibalik ang anumang pondong napatunayang nawala dahil sa mga anomalya.

Ayon kay Lacson, maaaring maging mahalagang state witness si Bonoan sa isinasagawang imbestigasyon dahil umano sa lawak ng kaniyang kaalaman hinggil sa mga proyekto sa imprastraktura noong siya ay kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi rin ng senador na ang posibleng testimonya ni Bonoan ay maaaring magdulot ng pangamba sa mga taong nagkaroon ng direktang transaksiyon sa kanya.

Nauna nang inanunsiyo ni Jesus Crispin Remulla na nakipagkasundo ang kanilang tanggapan kay Bonoan upang makipagtulungan bilang cooperating witness. Dahil dito, plano ng Ombudsman na hilingin sa Sandiganbayan na alisin siya bilang akusado upang makapagbigay ng testimonya bilang state witness.

Sa kasalukuyan, si Bonoan ay kabilang sa mga akusado sa kasong plunder laban kay Jinggoy Estrada sa Fifth Division ng Sandiganbayan, gayundin sa dalawang magkahiwalay na kasong graft.

Iginiit din ni Lacson na kung papayagan si Bonoan bilang state witness, dapat umanong may kaukulang restitution o pagsasauli ng pondong umano’y nawala sa gobyerno. Tinukoy niya ang halagang hindi bababa sa P1 bilyon, batay aniya sa mga naunang testimonya nina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sa isang supplemental affidavit noong Nobyembre 2025, sinabi umano ni Bernardo na may mga proyektong nagkakahalaga ng hindi bababa sa P5 bilyon kada taon mula 2023 hanggang 2025 na kanyang pinangasiwaan para kay Bonoan. Inilahad din niya ang umano’y sistema ng paghahati sa tinatawag na “commitment” sa mga proyekto.

Samantala, ang mga naturang alegasyon ay bahagi ng mga kasong kasalukuyang dinidinig ng hukuman. Wala pang pinal na desisyon ang korte kaugnay sa mga ito, at nananatiling umiiral ang presumption of innocence ng lahat ng mga akusado hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa ilalim ng batas. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here