Home TOP STORIES Goitia: Karapatan sa pagkilos dapat samahan ng pananagutan at pagsunod sa batas

Goitia: Karapatan sa pagkilos dapat samahan ng pananagutan at pagsunod sa batas

20
0

MANILA — Binigyang-diin ni Dr. Jose Antonio Goitia na bagama’t ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang karapatan ng mga mamamayan na magtipon at ipahayag ang kanilang paninindigan, dapat itong gamitin nang may pananagutan at paggalang sa batas upang hindi maapektuhan ang kapakanan ng nakararami.

Ang pahayag ni Goitia ay kasunod ng malawakang rally na nagdulot umano ng matinding pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila, partikular sa EDSA, kung saan libu-libong motorista, manggagawa, estudyante, pasyente, at maliliit na negosyante ang nakaranas ng pagkaantala sa kanilang mga biyahe at gawain.

Ayon kay Goitia, mahalagang mapanatili ang balanse sa pagitan ng paggamit ng mga karapatang konstitusyonal at ng pananagutan sa lipunan.

“Ang due process ay hindi pribilehiyo. Ito ay karapatan ng bawat Pilipino. Nawawalan ng kredibilidad ang hustisya kapag nagiging mapili ang pagpapatupad nito,” ani Goitia.

Ipinaliwanag niya na ang pagtatanggol sa due process ay hindi nangangahulugang pagtatanggol sa anumang maling gawain, kundi pagtiyak na ang mga kaso at akusasyon ay dinidinig at nilulutas ng mga hukuman batay sa ebidensiya at naaayon sa batas.

Binigyang-diin din niya na ang kalayaan sa pananampalataya, mapayapang pagtitipon, at ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado ay mga prinsipyong pinangangalagaan ng Konstitusyon, ngunit dapat pa ring isaalang-alang ang epekto ng mga pagkilos sa mas nakararaming mamamayan.

Ayon kay Goitia, mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan ang pagkuha ng mga kinakailangang permit para sa mga malalaking pagtitipon dahil nakatutulong ito sa koordinasyon ng seguridad, pamamahala ng trapiko, at proteksiyon sa publiko.

Pinuri rin niya ang Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at mga lokal na pamahalaan sa kanilang pagpapanatili ng kaayusan at pagpigil sa anumang posibleng kaguluhan sa gitna ng mga kilos-protesta.

Kasabay nito, nanawagan si Goitia na huwag hayaang manaig ang pulitika sa pananampalataya. Aniya, dapat manaig ang pagkakaisa, disiplina, at paggalang sa mga pagpapahalagang itinataguyod ng mga relihiyosong institusyon.

Ibinahagi rin niya ang kanyang paggalang sa mga miyembro ng Iglesia ni Cristo at sa mga aral na ipinamalas ng mga naging lider nito tulad nina Felix Y. Manalo at Erano G. Manalo.

“Ang ating pinakamalaking laban ay hindi laban sa isa’t isa. Ang tunay nating kalaban ay ang sistematikong korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan, kahirapan, kriminalidad, at lahat ng nagpapahina sa ating mga institusyon at sumisira sa tiwala ng taumbayan,” dagdag niya.

Para kay Goitia, ang mahalagang tanong ay hindi kung may karapatan ang isang organisasyon na ipahayag ang paninindigan nito, kundi kung paano ginagamit ang karapatang iyon nang may paggalang sa karapatan ng iba.

Aniya, sa isang demokratikong lipunan, ang bawat karapatan ay may kaakibat na pananagutan, at ang pagtalima sa prinsipyong ito ang susi upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyon at sa umiiral na batas. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here