MANILA, Philippines – Umabot na sa tinatayang 11,000 ang mga nagtipon sa protesta malapit sa People Power Monument sa EDSA, Quezon City, bandang alas-11 ng umaga nitong Martes, dahilan upang isailalim sa full alert ang ilang pangunahing yunit ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa pagtataya ng pulisya na iniulat ng Super Radyo dzBB, lumobo sa 11,000 ang bilang ng mga kalahok siyam na oras matapos magsimulang magtipon ang mga ito.
Mahigit 6,000 pulis ang ipinakalat upang tiyakin ang seguridad at mapanatili ang kaayusan sa lugar.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., isinailalim sa full alert ang National Capital Region Police Office (NCRPO), Central Luzon Police, Calabarzon Police, national support units, at mga tanggapan sa Camp Crame.







