MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Justice (DOJ) na muli nitong rerepasuhin ang mga reklamo laban kay Sen. Joel Villanueva kaugnay ng umano’y flood control scam, matapos sabihin ng Office of the Ombudsman na kulang pa ang ebidensya upang magsampa ng kaso.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, magpapatuloy ang case build-up dahil hindi pa sapat ang ebidensya laban kay Villanueva, kahit na nauna niyang sinabi na handa na ang reklamo para dalhin sa korte.
Noong Marso, inirekomenda ng DOJ sa Ombudsman ang pagsasampa ng tatlong kasong malversation laban sa senador.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, patuloy silang makikipagtulungan sa Ombudsman upang makumpleto ang mga kinakailangang ebidensya.
“We need to know… kung hindi satisfied, we make it satisfactory kasi at the end of the day we want people accountable.”
Dagdag ni Vida, ipagpapatuloy ng DOJ ang pagkalap ng mga dokumento at ebidensya habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Hindi naman niya sinagot kung hahantong sa pagsasampa ng kaso sa korte ang reklamo laban kay Villanueva. RNT/MDS