Home NATIONWIDE Regional mental health rapid response network isinulong ni Romualdez kasunod ng Tacloban...

Regional mental health rapid response network isinulong ni Romualdez kasunod ng Tacloban school shooting

4
0
(c) Den Alb Photography

MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Leyte Rep Martin Romualdez ang pagbuo ng isang regional rapid-response network ng mga mental health at child protection professionals matapos ang naging madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City upang matulungan ang mga paaralan na mabilis na makatugon sa karahasan, trauma, at mga estudyanteng nakararanas ng matinding distress.

Si Romualdez ay personal na nakipagpulong sa mga opisyal ng Commission on Higher and Technical Education (CHED), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Tacloban City upang talakayin ang nasabing hakbang.

“Tatlo ang ating agarang direksyon. Una, bubuo tayo ng regional network ng mga volunteer psychologists, psychiatrists, guidance counselors, social workers at iba pang professionals na maaaring agad ma-deploy kapag may ganitong insidente,” ani Romualdez.

Ayon sa lider ng Kamara, ang naturang network ay sasabayan din ng malawakang preventive education at mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, paaralan, at mga lokal na komunidad.

“Pangalawa, magsasagawa tayo ng regular na seminars para sa mga estudyante, magulang at guro tungkol sa mental wellness, child protection at violence prevention. Pangatlo, palalakasin natin ang koordinasyon ng lahat ng ahensya upang mas mabilis ang pagtugon kapag may mga batang nangangailangan ng tulong,” dagdag pa nito.

Ang trahedya ay nagdulot ng pangamba sa kaligtasan sa mga campus, bullying, talamak na mararahas na content sa internet, at ang kakulangan ng psychosocial support para sa mga mag-aaral at guro.

Sinabi ng mambabatas na hindi sapat ang pakikiramay lamang dahil ang nangyari ay nagpapakita ng matinding pangangailangan para sa agarang aksyon at pangmatagalang pag-iwas.

“Hindi sapat ang makiramay lang. May pananagutan tayong kumilos kaya ipinatawag natin ang CHED, DepEd, DOH at DSWD upang pag-usapan kung ano ang maaari nating gawin—hindi lang para tumulong sa mga naapektuhan ngayon, kundi para maiwasan na maulit ang ganitong trahedya.”paliwanag ni Romualdez.

Tinutulan din ni Romualdez ang mga pananaw na dapat ipaubaya na lamang ng Kongreso ang buong usapin.

“Hindi ito usapin ng pakikialam pero responsibilidad din naming pagsama-samahin ang iba’t ibang sektor at tiyaking may sapat na suporta ang mga programa ng pamahalaan. Kapag may kakulangan sa batas o pondo, trabaho naming ayusin iyon.”giit nito.

Nakiusap din si Romualdez na huwag munang unahan ang nagpapatuloy na imbestigasyon dahil maaaring maraming magkakapatong na dahilan ang karahasan sa paaralan gaya ng kapaligiran sa pamilya, mental health, bullying, social media, at kakulangan sa guidance counseling.

“Hindi natin dapat pangunahan ang imbestigasyon. Maraming posibleng salik ang ganitong mga pangyayari, mental health, family environment, bullying, social media, access to counseling, at iba pa,” pahayag niya. “Kaya ang gusto nating tugunan ay ang buong ecosystem ng child protection at school safety, hindi lamang isang aspeto.”

Kabilang sa mga tinitingnang legislative responses ng Kamara ang pagpapalawak ng school mental health programs, pagdaragdag ng mga guidance counselors at social workers sa mga campus, pagpapatatag sa GMRC (Good Manners and Right Conduct), at pagrerepaso sa mga regulasyon para sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.

Giit pa ng mambabatas, ang kaligtasan ng mga kabataan ay hindi lamang responsibilidad ng iisang ahensya kundi isang pambansang tungkulin na dapat pagtulungang pasanin ng lahat.

“Ang kaligtasan ng ating mga anak ay hindi responsibilidad ng isang ahensya lamang. Responsibilidad ito ng buong pamahalaan, ng mga paaralan, ng mga magulang, ng komunidad, at ng bawat Pilipino,” paliwanag nito.

“Ang trahedyang ito ay dapat maging paalala na hindi tayo maaaring maghintay ng susunod na insidente bago kumilos. Kung sama-sama tayong kikilos ngayon, mas marami tayong batang mapoprotektahan bukas,” pagtatapos ni Romualdez. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here