Home NATIONWIDE Barko ng Tsina sa baybayin ng Luzon hinamon, pinaalis ng PCG

Barko ng Tsina sa baybayin ng Luzon hinamon, pinaalis ng PCG

5
0

MANILA, Philippines – Nag-deploy ang Philippine Coast Guard o PCG ng BRP MALABRIGO (MRRV-4402) simula Hunyo 20, 2026 upang hamunin at paalisin ang barko ng China Coast Guard na CCG-5304 na nag-ooperate sa loob ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas.

Ayon sa PCG, ilang  beses nang nag-radio challenge ang BRP MALABRIGO sa CCG-5304, pero hindi ito sumagot sa kahit alin sa mga hamon.

Sa isang Maritime Domain Awareness o MDA flight ,lumipad sa ibabaw ng kinalalagyan ng CCG-5304 ang eroplano ng PCG na Britten-Norman Islander (PCG-251). Nasa tinatayang 45.5 nautical miles kanluran ng Iba, Zambales ang barko.

Namataan ang CCG-5304 sa pagitan ng 27.0 at 45.0 nautical miles kanluran ng Luzon simula pa noong Hunyo 16, 2026. Ang pinakamalapit nitong ruta sa hilaga ay umabot sa 27.29 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Sur, habang ang pinakatimog na ruta nito ay tinatayang 30.0 nautical miles mula sa Capones Island. 

Kalaunan, namataan ang barko na nasa 43.0 nautical miles kanluran ng Cabangan, Zambales. 

Kapansin-pansin na ang galaw ng CCG-5304 ay nagpapahiwatig na  nagpapatrolya sa hangganan ng inaangkin ng China sa West Philippine Sea, na nililimitahan ng kanilang iligal na nine- o ten-dash line — mga pag-angkin na binasura ng 2016 Arbitral Award.

Nanatiling matatag ang PCG sa pagtatanggol ng mga karapatan at hurisdiksyon ng Pilipinas sa loob ng mga maritime zone nito.

” Patuloy kaming magpapanatili ng presensya at magsasagawa ng lehitimong patrol upang matiyak ang kaligtasan ng ating karagatan at maprotektahan ang karapatan ng ating mga mangingisdang Pilipino.” ayon sa PCG.

Sa pamumuno ni Admiral Ronnie Gil Gavan, nananatiling dedikado ang PCG sa transparency sa paglalantad ng iligal at agresibong mga kilos ng China sa West Philippine Sea. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here