Home NATIONWIDE Gorebox kinalos na sa Google, Steam sa Pinas

Gorebox kinalos na sa Google, Steam sa Pinas

4
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) nitong Martes na tinanggal na ang mobile at PC game na Gorebox sa Google Play Store at Steam sa Pilipinas bilang pagsunod sa pansamantalang pagbabawal na ipinatupad ng pamahalaan noong nakaraang linggo.

Ayon sa CICC, pinagbigyan ng Google ang kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas na harangin ang access sa laro sa buong bansa, kabilang ang online gaming component nito.

Dahil sa restriksyon, hindi na mada-download ang laro sa Pilipinas at hindi na rin magagamit nang maayos ang mga naunang na-install na kopya dahil hanggang loading screen na lamang ito.

Malugod namang tinanggap ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda ang naging hakbang ng Google at Steam, na aniya ay makatutulong sa pagsusulong ng mas ligtas na online environment para sa mga bata.

“With this restriction, we are assured that minors will no longer be able to access such a violent game,” ani Aguda.

Ipinatupad ang restriksyon matapos ang pagpupulong noong Lunes ng DICT, CICC, at mga kinatawan ng Google Philippines at Google LLC, kung saan muling hiniling ng pamahalaan ang nationwide blocking ng laro hanggang matiyak na hindi na ito madaling maa-access ng mga menor de edad. Sumunod din ang Steam sa ipinatupad na pansamantalang restriksyon.

Nagpatupad ng temporary ban ang pamahalaan noong nakaraang linggo matapos lumabas sa imbestigasyon ng pulisya sa naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na isa sa dalawang teenage suspects ay isang masugid na manlalaro ng Gorebox. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here