Home NATIONWIDE Ping sinita si Marcoleta sa ‘planned arrest’ claim

Ping sinita si Marcoleta sa ‘planned arrest’ claim

4
0

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na may kaugnayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang nakaambang pag-aresto sa kanya kaugnay ng kasong plunder.

Nauna nang sinabi ni Marcoleta na matagal nang planado ang kaso laban sa kanya at iniuugnay ito sa naunang pahayag ni Lacson tungkol sa posibilidad na siyam na senador ang makulong.

“It’s gaslighting time once more. The mention of nine senators being possibly incarcerated was a hypothetical statement in the context of determining the base number to compute the constitutional requirement of two-thirds vote of all senators actively participating or not in the impeachment trial,” ani Lacson.

Mas maaga ngayong buwan, naglahad si Lacson ng hypothetical scenario kung saan maaaring makulong o masuspinde ang siyam na senator-judges, na aniya’y maaaring mangailangan ng interbensyon ng Supreme Court kung maaapektuhan ang constitutional voting requirement sa impeachment trial.

Sa isang Facebook post nitong Martes, sinabi ni Marcoleta na layunin umano ng kasong plunder na inihahanda ng Office of the Ombudsman na pigilan siyang maglantad ng korapsyon at makilahok sa impeachment trial na magsisimula sa Hulyo 6.

Nauna namang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na “for resolution” na ang kaso laban kay Marcoleta at malapit na itong maisampa sa Sandiganbayan. Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y P75 milyong gifts o donations na natanggap ni Marcoleta mula sa tatlong indibidwal noong Enero 2025 habang siya ay kongresista pa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here