Home OPINION MAKABASAG-TENGANG TAMBUTSO TULDUKAN

MAKABASAG-TENGANG TAMBUTSO TULDUKAN

4
0

POSIBLENG matuldukan na ang araw-araw na perwisyo dulot ng mga rider at traysikel driver na tila ginagawang karerahan ang mga kalsada habang nagpauugong ng kanilang makabasag-tengang tambutso sa Lungsod ng Maynila.

Pinalakas na kasi ng Sangguniang Panlungsod ang naunang Ordinance No. 8772 na nagtatakda ng regulasyon laban sa mga sasakyang may binago o na-modified na tambutso na lumilikha ng sobrang ingay matapos maipasa ang Ordinance No. 9133.

ni 1st District Councilor Rosalino “Jhun” Ibay na tuluyang maghihigpit sa pagpapatupad ng naunang ordinansa.

Kasi naman, binabalewala ng mga pasaway na rider ang naunang ordinansa dahil sa halip na baklasin ang inilagay na modified muffler, lalo pa nilang pinalakas ang tunog nito na lubha ng nakapeperhuwisyo sa mga kabahayan.

Sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal at miyembro ng Manila City Hall Press Club sa ginanap na lingguhang Kapihan sa tanggapan ng mga mamamahayag sa Manila City Hall, ibinahagi ni Konsehal Jhun Ibay ang pinalakas na ordinansa na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa pasaway na riders.

Magandang balita ito para sa mga residente na matagal nang nagrereklamo sa nakakabinging ugong ng ilang motorsiklo at traysikel na kahit dis-oras ng gabi hanggang madaling araw kung saan kasarapan ng tulog ng marami ay walang pakundangan kung patunugin ang maingay na tambutso na nakakabulahaw.

Ayon kay Ibay, maaaring isumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang sinomang pasaway na lumalabag sa naturang ordinansa para agarang ma-aksyonan.

Nangangahulugan ito na hindi na lamang basta reklamo ng mga residente kundi may malinaw nang mekanismo para mapanagot ang mga pasaway.

Ngunit gaya ng ibang ordinansa, ang tunay na sukatan ng tagumpay nito ay nasa mahigpit na pagpapatupad. Kung mananatili lamang ito sa papel, patuloy pa ring magpapakitang-gilas ang ilang rider na tila ipinagmamalaki ang lakas ng kanilang tambutso.

Marami ang umaasa na masimulan ang operasyon sa mga lugar na madalas ireklamo gaya ng Quiricada, Tayuman, at Jose Abad Santos Avenue, kung saan talamak ang mga motorsiklo at traysikel na may nakakabinging ingay.

Bagama’t marami pa rin ang nagdududa at nagtatanong kung: handa na bang masampolan ang mga pasaway, tanging ang kapulisan lamang ang makakasagot nito kung seryoso ba nilang ipatutupad ang ordinansa

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here