Home OPINION IMPEACHMENT TRIAL ‘DI DAPAT MABAHIRAN NG PAGDUDUDA

IMPEACHMENT TRIAL ‘DI DAPAT MABAHIRAN NG PAGDUDUDA

1
0

HABANG papalapit ang Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa susunod na Lunes, lalong umiinit ang usapin kung sino ang dapat mamuno bilang Presiding Officer.

Dahil hati ang opinyon ng publiko, umaasa ang mga Pilipino na magiging patas at kapani-paniwala ang buong proseso.

Isa sa mga pangalan na lumulutang ay si Senate President Sherwin Gatchalian na nagbigay na rin ng ilang pahayag tungkol sa kanyang paghahanda sakaling siya ang maupo bilang Presiding Officer.

Ngunit may mga nagtatanong kung sapat ba ang tiwala ng magkabilang panig sa kanyang kakayahang maging neutral sa paglilitis.

Siya mismo ay nagsabing ang Impeachment ay isang political exercise. Dahil dito mahalagang matiyak na ang mamumuno sa paglilitis ay may kakayahang balansehin ang magkabilang panig at mapanatili ang tiwala ng publiko sa bawat hakbang ng proseso.

Kapag may alinlangan ang mga tao sa pagiging patas ng Presiding Officer, maaaring maapektuhan ang pagtanggap sa magiging resulta ng paglilitis. Hindi lamang ito tungkol sa magiging desisyon sa dulo. Mahalaga rin kung paano isinasagawa ang buong proseso at kung naniniwala ang publiko na patas itong pinamamahalaan.

Isa sa mga madalas na nababanggit ay ang kahalagahan ng ligal na kaalaman dahil ang Impeachment trial ay hindi ordinaryong pagdinig. Maraming procedural issues, legal objections at constitutional questions na kailangang resolbahin kaya may mga nagsasabing makatutulong kung abogado ang mamumuno sa proseso.

Sa ngayon, iba-iba ang lumalabas na pangalan bilang posibleng Presiding Officer. May kanya-kanyang pananaw at kagustuhan ang iba’t ibang kampo, ngunit sa huli, hindi dapat personalidad o pulitika ang manaig.

Ang pinakamahalaga ay ang kakayahan ng mamumuno na panatilihing maayos, patas, at kapani-paniwala ang Impeachment trial.

Sa isang usaping sensitibo at sinusubaybayan ng buong bansa, ang mabuting piliin ay isang taong may kakayahang makuha ang tiwala ng publiko.

Kapag nagsimula ang paglilitis na may pagdududa na agad sa namumuno, mas magiging mahirap tanggapin ang anomang magiging resulta, kahit pa ito ay naaayon sa batas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here