Home HOME BANNER STORY Bagyong Henry mananalasa sa S. Luzon; 3 lugar, signal no. 1

Bagyong Henry mananalasa sa S. Luzon; 3 lugar, signal no. 1

4
0

MANILA, Philippines – Ganap nang naging Tropical Depression Henry ang low-pressure area na tumawid sa Southern Luzon matapos itong lumakas sa West Philippine Sea dakong alas-2 ng madaling-araw ng Miyerkoles, ayon sa PAGASA.

Bandang alas-4 ng madaling-araw, namataan si Henry 115 kilometro sa kanluran-timog-kanluran ng Abucay, Bataan, taglay ang lakas ng hanging 45 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 55 kph. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.

Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa timog-kanlurang bahagi ng Zambales, kanlurang Bataan, at Lubang Islands sa Occidental Mindoro, kung saan inaasahan ang malalakas na hangin.

Maaari ring maranasan ang pabugso-bugsong hangin sa Metro Manila, Calabarzon, at iba pang bahagi ng Central Luzon.

Pinalalakas din ni Henry ang habagat, na magdudulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Mindoro at Palawan, at kalat-kalat na pag-ulan sa Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, ilang bahagi ng Northern Mindanao, at nalalabing bahagi ng Mimaropa.

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar lalo na sa panahon ng matagal at malakas na pag-ulan.

Inaasahang lalakas pa si Henry at magiging tropical storm matapos lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa pagitan ng Miyerkoles ng gabi at madaling-araw ng Huwebes bago mag-landfall sa southern China sa Biyernes. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here