MANILA, Philippines — Nagbabala ang pamahalaang lungsod ng Quezon City na maaaring kanselahin ang permit ng patuloy na kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo (INC) kung lalabag ang mga organizer sa napagkasunduan o magiging magulo ang pagtitipon.
Ayon kay Quezon City Department of Public Order and Safety (QC-DPOS) head Ret. Gen. Elmo San Diego, inilipat na sa White Plains Avenue ang lugar ng rally upang hindi na maulit ang pagsasara ng EDSA na naganap noong Martes.
“Organized na ’yung kanilang (Iglesia Ni Cristo) rally at inilipat na natin silang lahat sa White Plains Avenue. Hindi kagaya kahapon na nasarado ang EDSA. Ang usapan ngayon, kapag nangyari ulit iyon, ide-deny natin, ika-cancel natin ’yung permit,” ani San Diego.
Inaprubahan ng Quezon City government ang permit ng INC para sa isang mapayapang rally sa kahabaan ng White Plains Avenue hanggang Temple Drive mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi nitong Miyerkules.
Samantala, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesperson Police Major Hazel Asilo na posibleng mapantayan o mahigitan ang dami ng dumalo sa ikalawang araw ng rally dahil mayroon na itong permit.
“Posible pong maabot yung dami tulad kahapon at dahil meron na silang permit, baka mas marami na po silang miyembro na dumalo,” ani Asilo sa panayam sa Unang Balita.
Tinatayang umabot sa 15,500 ang dumalo sa rally sa People Power Monument noong Martes. Santi Celario