MANILA, Philippines – Nanawagan ang ina ng isa sa mga estudyanteng nasawi sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ibaba ang minimum age of criminal responsibility sa pagdinig ng Senado nitong Miyerkules.
Sa pagharap sa pamamagitan ng video conference sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros, kinuwestiyon ni Jenelyn Badoria, ina ng Grade 9 student na si Joyancee Separa, kung bakit sa Bahay Pag-asa lamang dadalhin ang mga menor de edad na suspek.
“Ang gusto ko lang sabihin na kung puwede, pababaan ‘yung edad na puwedeng makasuhan kasi sabi ng nakabaril sa anak ko, wala siyang criminal liability,” ani Badoria.
Ang Bahay Pag-asa ay isang youth care and rehabilitation center para sa children in conflict with the law na itinatag sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Ipinahayag din ni Badoria ang suporta sa mungkahi ni Senator Raffy Tulfo na magtayo ng hiwalay na detention facility para sa mga menor de edad na sangkot sa heinous crimes.
“I agree sa sinabi ni Tulfo na puwede naman siyang makulong sa ibang pasilidad na puwede sa kanilang edad para maramdaman nila yung sakit at yung parusa na karapat-dapat sa kanila,” aniya.
“Kapag ang bata nagkakasala, dini-disiplina at tinuturuan nang maayos at tama… Eh, ‘yung bata na ‘yan nakapatay ng tao, ano, iba-Bahay Pag-asa lang? Dapat may pasilidad na para sa kanila para maramdaman nila ang sakit,” dagdag pa niya.
Hiniling din ni Badoria na papanagutin ang mga magulang, guardian at ang tiyahin na may-ari ng baril na ginamit sa pamamaril.
“May nabanggit po kanina na ‘yung batang namaril ay isa ring biktima, so sino dapat ang mananagot?” aniya.
“Ang gustong kong managot yung mga magulang nya at guardian nya, lahat, lalo na yung may-ari ng baril…kasi siya ang nagturo sa pamangkin na gumamit ng baril,” dagdag niya.
Noong Hunyo 22, nagpaputok ng baril ang dalawang menor de edad na may edad 14 at 15 sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante, kabilang si Joyancee Separa, at ikinasugat ng ilan pang biktima.
Naghain na ng criminal complaint ang Police Regional Office 8 laban sa 15-anyos na suspek, habang kapwa isinailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development sa Tacloban City ang dalawang children in conflict with the law.
Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, exempted sa criminal liability ang mga batang may edad 15 pababa at isinasailalim sa intervention program. Ang mga edad higit sa 15 ngunit wala pang 18 ay exempted din maliban kung mapatutunayang kumilos sila nang may discernment. RNT