MANILA, Philippines – TINAWAG ng Malakanyang na ‘obstructionist’ si Senator Imee Marcos matapos na muling nagbitaw ng matitinding pahayag laban sa administrasyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA-White planes nitong Martes, Hunyo 30.
Inilarawan kasi ng senadora ang kasalukuyang pamahalaan bilang isang “gobyernong tulog” at umano’y “lasing sa kapangyarihan,” habang binigyang-diin ang sitwasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Ang buweltang tugon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ay nakakaawa ang mga obstructionist na tulad ng senadora dahil malinaw na gumagamit ito ng fake news para makapanira lamang at makapagpakalat ng maling impormasyon.
“Napanood po natin mismo personal ang nasabing pagsasalita at pagtatalumpati ni Senator Imee Marcos sa INC rally kagabi.
Pero mas nakakaawa ang mga taong pumalakpak habang nakikinig kay Senator Imee Marcos dahil malamang hindi nila alam na ang mga sinasabi ni Senator Imee Marcos ay mga kuwentong walang basehan. Nakakaawa dahil malamang ay hindi nila alam na sila ay ginagawa lamang mangmang,” ayon kay Castro.
Isang malaking katanungan din ayon kay Castro para sa kanila kung bakit napakasigasig ni Imee Marcos na manira sa gobyerno samantalang 2019 siya ay senadora na, 2016 siya ay gobernador at kilala niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan umamin si Duterte sa paggamit ng iligal na droga.
“Pinaghandaan po natin talaga ito para maipakita natin kung sino ba talaga ang gumagamit ng iligal na droga sa panahon na siya ay pangulo na. Pero sa mga pag-amin na ito, ni dating Pangulong Duterte, tumahimik siya at wala siyang anumang pintas. Maliban pa diyan, bakit natin sinasabi na walang basehan ang kaniyang mga sinasabi, dahil pinag-iigting niya ang galit sa mga farmers at mga mangingisda na mga kababayan natin at sinasabing walang tulong na pinapaabot ang gobyerno,” ang sinabi ni Castro.
Hindi rin aniya niya alam kung bulag, nagbubulag-bulagan o talagang pinipikit lamang ni Imee Marcos ang kanyang mata sa katotohanan para magamit niya sa paninira sa gobyernong ito.
“Marami na po ang naipaabot na tulong ng ating gobyerno lalong-lalo na sa ating mga magsasaka at sa mga mangingisda.
Ilan lamang ito sa ibibigay ko sa inyo na mga ebidensiya: June 30, 2026 – 186 Pangasinan fisherfolk received livelihood grants, bago lamang po ito. So, nakakataka kung bakit hindi po yata updated si Senator Imee Marcos sa mga pangyayari, sa mga programa ng gobyerno; at April 12, 2026 – PBBM strengthens support for farmers and fisherfolk. So, ano po ang kaniyang basehan sa pagsasabing hindi tumutulong ang gobyerno sa mga magsasaka at sa mga mangingisda natin? At ito pa po: June 12, 2026 – PBBM food assistance program reaches 703 Camiguin farmers/fisherfolk. So, hindi po mas nakakaawa ang mga taong nakikinig sa kaniya dahil kung hindi magkakaroon ng pagsusuri, ang mga nakikinig ay talagang mananatili silang mangmang sa katotohanan,” litaniya ni Castro.
“At mayroon pa po siyang nasabi patungkol sa nagkukunwaring hindi nakikita ang sambuntong na ebidensiya at dose-dosenang testigo, itong baha at flood control na lulunod sa ating lahat. 2019 naging senadora si Senator Imee Marcos, 2020 uulitin natin, umamin si dating Pangulong Duterte na marami siyang ghost projects. 2018 nagsabi si Congressman Andaya na maraming flood control projects na hindi maayos. Nasaan siya? nagpaimbestiga ba siya?
So, ang nakakataka lamang, bakit noong panahon kaya ni dating Pangulong Duterte siya ay nanahimik at ngayon lamang siya nag-iingay habang ang kaniyang kapatid – si Pangulong Marcos Jr. – ay masigasig na mapanagot ang dapat na mapanagot,” aniya pa rin.
Samantala, halatang-halata naman aniya na may bahid politika ang mga ginagawa at sinasabi ni Imee Marcos.
“Obviously, halatang-halata. Alam naman natin kung sino ang kaniyang ipinagtatanggol at sino ba ang nais niyang hindi na sana mailagay sa isang paglilitis,” anito.
Sa ulat, sinabi pa ni Imee Marcos na tila hindi rin umano pinakikinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga ordinaryong mamamayan.
Kinuwestiyon din ng kapatid ng pangulo ang nakatakdang working visit ni Marcos Jr. sa Canada mula Hulyo 1 hanggang 4, at iginiit na dapat ay mas inuuna ng administrasyon ang mga suliranin sa loob ng bansa, kabilang ang mataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hayagang binatikos ng senadora ang administrasyon ng kanyang kapatid. Sa mga nakalipas na buwan, ilang ulit na rin siyang naghayag ng kritisismo sa ilang polisiya ng pamahalaan.
Kaugnay nito, dumalo rin sa naturang pagtitipon si dating Senate President at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na kalaunan ay humingi ng paumanhin sa mga naapektuhan ng pagsisikip ng trapiko dulot ng rally. (Kris Jose)