Home NATIONWIDE Malakanyang sa INC: ‘Wag hayaang magamit ng ‘destabilizers’ 

Malakanyang sa INC: ‘Wag hayaang magamit ng ‘destabilizers’ 

14
0

MANILA, Philippines – UMAPELA ang Malakanyang sa liderato ng Iglesia ni Cristo (INC) na manatiling bigilante laban sa mga grupong maaaring gamitin ang nagpapatuloy na protest activities para i- destabilize ang gobyerno.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na seryosong tinitingnan ng mga awtoridad ang mga kumakalat na balita sa social media ukol sa di umano’y planong lusubin ang mga government institutions, kabilang na ang Palasyo ng Malakanyang sa Maynila bagaman hindi pa nabeberipika ng mga opisyal ang nasabing impormasyon.

Hindi naman naniniwala si Castro na ang INC ang nasa likod ng anumang destabilization efforts laban sa administrasyong Marcos.

“Hindi namin paniniwalaan na miyembro ng INC ang siyang gagawa nito dahil sabi nga natin, ginagalang natin ang integridad, ang liderato ng INC. Hindi naman siguro ang purpose ng kanilang protesta ay mag-destabilize,” ani Castro.

“Kaya nga po sa ngayon ang pakiusap po natin sa liderato ng INC, maging maingat din po sila at baka sila ay magamit ng ibang mga tao na ang naisin ay patalsikin ang Pangulo dahil alam natin ang INC ay hindi iyan ang hinihimok sa taumbayan,” aniya pa rin.

Batid naman aniya ng Malakanyang na may ilang grupo ang matagal nang nananawagan na alsiin na sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Gayunman, sinabi ni Castro na nakahanda ang gobyerno na hadlangan ang anumang pagtatangka na patalsikin sa puwesto ang Pangulo.

“Ito po’y nakarating na at kung ito man ay isang tsismis, isang pananakot, hindi naman po ito isasabale-wala lamang ng mga awtoridad natin,” ani Castro.

Binigyang diin ni Castro na ginagalang ng Malalanyang ang mga layunin ng INC sa pagpo-promote ng transparency at accountability, dahil ipinahahayag lamang ng religious group ang kanilang suporta kay Sen. Rodante Marcoleta.

Winika pa ni Castro na kaisa ng INC si Pangulong Marcos sa pagpapalakas sa ‘transparency at accountability; sa gobyerno.

Tiniyak naman ni Castro sa publiko na patuloy na igagalang ng administrasyon ang karapatan sa peaceful assembly, iyon lamang, dapat na ang mga protesters ay susunod sa batas at umiwas na galitin ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

“Huwag lamang po silang lalabag sa batas. At ang PNP po ang pinapairal ay maximum tolerance. So, huwag po sana nila rin i-provoke ang ating mga miyembro ng kapulisan,” aniya pa rin.(KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here