Home METRO Magtino o ma-expel: Pasaway na estudyante sa Maynila, binalaan ni Isko

Magtino o ma-expel: Pasaway na estudyante sa Maynila, binalaan ni Isko

2
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga estudyanteng masasangkot sa karahasan, pagdadala ng armas at iba pang mabibigat na paglabag sa disiplina sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Sa ginanap na Kapihan sa Adriatico, sinabi ni Moreno na mahigpit na ipatutupad ang Executive Order No. 29, na naglalayong palakasin ang seguridad at disiplina sa mga paaralan kasunod ng mga insidente ng karahasan sa ilang educational institutions.

Ayon sa alkalde, ang mga mapatutunayang lumabag sa polisiya ay maaaring maharap sa mabigat na kaparusahan, kabilang ang expulsion o pagpapatalsik sa pinapasukang paaralan, alinsunod sa umiiral na mga alituntunin ng Department of Education (DepEd) at ng pamahalaang lungsod.

Binigyang-diin ni Moreno na hindi dapat magdalawang-isip ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas kung nakataya ang kaligtasan ng mga estudyante at mga guro.

Kasabay nito, sinabi ng alkalde na magpapakalat ang Manila Police District (MPD) ng mga pulis sa mga pampublikong paaralan sa Maynila upang palakasin ang seguridad, magsagawa ng mas mahigpit na pagbabantay at agad na tumugon sa anumang insidente.

Layunin ng hakbang na mapanatili ang kaayusan sa mga paaralan at matiyak ang ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral, guro at iba pang kawani sa pagsisimula ng bagong school year.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here