Home OPINION PAGKUNSINTI SA PANG-AABUSO

PAGKUNSINTI SA PANG-AABUSO

2
0

ISA na namang kontrobersiya ang naipasa sa atin ng ilang mga kaibigan sa Palasyo na totoong nagmamalasakit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang administrasyon– at “humahamon” sa mga nagiging desisyon ni Executive Secretary Ralph Recto.

Ilang kolum na ang nakaraan, naisulat natin ang isang ‘Undersecretary’ sa Palasyo na ”bentador” ng mga posisyon sa Ehekutibo at ginagamit umano ang pagiging malapit sa isang makapangyarihang babae sa Malakanyang para sa kanyang ‘sideline’ at kaya hindi rin matinag sa kanyang pwesto.

Ngayon naman, nalaman natin na sa kabila ng reklamong ‘sexual harassement’ na isinampa sa isa pa ring ‘Palace Undersecretary,’ wala rin umanong nangyari at bilang patunay, nabigyan pa umano ng ‘term extension’ si ‘Mr. Palace Official.’

Eh, kawawa naman ang pobreng biktima na balita pa natin, sa halip mabigyan ng hustisya, siya pa ang “napag-initan” at nasibak sa trabaho, aguy!

Hindi biro ang reklamong sexual harassment lalo pa nga kung ang insidente ay naganap sa loob mismo ng Malakanyang na alam naman ng lahat ay hindi na “magkandaugaga” sa dami nang mga kontrobersiyang “binubuno” nito ngayon.

Hindi biro lalo pa nga kung ang prinsipal na trabaho ng inireklamong opisyal ay may kinalaman sa pangangalaga at pagsusulong ng karapatang pantao. Sa ating pagkakaalam, hindi lang ito ang unang insidente na inakusahang “manyakis” sa kanyang mga tauhan itong si ‘Usec’ pero yung unang biktima, nanahimik na lang sa takot na mawalan ng trabaho.

Mantakin mo yan, mga kabayan, yung ‘human rights defender’ ay isa palang ‘closet sexual predator,’ wahhh!

At yung mabigyan pa siya ng term extension ay nagbibigay ng mensahe na basta malakas ang “kapit” mo sa mga “bosing” sa Palasyo, kahit ano pang reklamo ng pang-aabuso ay “okay” lang at hindi dapat bigyan ng halaga, tama ba, mga kabayan?

Dumarami na tuloy ang nagtatanong kung “alam” ba ni ES Ralph ang tunay na istorya ng bawat ‘appointment’ na iniindorso niya kay Pangulong Bongbong na kapag nagkabistuhan ay malaking kahihiyan sa kanilang dalawa at sa kasalukuyang administrasyon?

Gusto naman nating maniwala na bilang Presidente ng higit 110 milyong Pilipino, hindi sadyang alam ni PBBM ang nangyayari sa loob mismo ng kanyang “bakuran.” Gusto rin nating maniwala na dahil ilang buwan pa lang sa pwesto, madalas, kaysa hindi, “napaiikot” si ES Ralph ng mga taong ginusto niyang pagkatiwalaan sa loob ng Malakanyang.

Kaya, ‘with the benefit of the doubt,’ hinihintay nating “mahimasmasan” si ES Ralph upang maitama ang kanyang mga ginawang palpak. May panahon pa naman, kaya…

ABANGAN!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here