Home OPINION DEFENSIVE DRIVING REFRESHER COURSE, NAPAPANAHON

DEFENSIVE DRIVING REFRESHER COURSE, NAPAPANAHON

1
0

NAKABABAHALA ang mga aksidenteng may kaugnayan sa pagmamaneho ng sasakyan. Marami nang buhay ang kinitil at mga ari-arian ang nasira dulot ng road crashes.

Ayon sa pinakahuling World Health Organization Fact Sheet tungkol sa Road Traffic Injuries noong May 1, 2026, humigit-kumulang 1.19 milyong katao ang namamatay bawat taon dahil sa road traffic crashes, habang 20–50 milyong iba pa ang nagkakaroon ng hindi nakamamatay na pinsala. Ito rin ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga bata at kabataang may edad 5–29 taon sa buong mundo. Mahigit kalahati ng mga nasawi ay mga pedestrian, siklista, at motorsiklista, at 92% ng lahat ng road fatalities ay nagaganap sa mga bansang mababa at katamtaman ang kita.

Bakit ba nangyayari ang aksidente at ano ang mga dahilan ng kamatayan kung mangyayari ito? Karaniwang lumalabas sa imbestigasyon ang hindi pagsusuot ng seatbelt at approved na helmet para sa motorcycle drivers. Nadiskubre din ang mga violation tulad ng over speeding, hindi pagsunod sa safe braking distance, mga driver na nasa ilalim ng impluwensya ng alak at ipinagbabawal na gamot habang nagmamaneho. May pangyayari ding ang paggamit ng cellphone at pagpihit ng radio tuner ang naging dahilan ng multiple fatalities.

May kontribusyon din sa aksidente ang hindi pagsunod sa road safety signs and traffic rules tulad ng hindi paghinto sa pedestrian lanes, over fatigue, pagmamaneho ng paso o walang lisensya, kawalan ng inspeksyon sa sasakyan, hindi mabuting asal ng driver at kawalan ng refresher training tulad ng defensive driving.

May programa naman ang pamahalaan sa pamamagitan ng Land Transportation Office at Technical Education and Skills Development Authority sa pagsasagawa ng ganitong klase ng training. Ang problema nga lang ginagawa lamang ito ng mga datihang driver sa pagre-renew ng kanilang lisensya. Sa kasalukuyang patakaran, 10 years na ang validity ng lisensya ng LTO at hindi tayo nakasisiguro na naaalala pa ng mga driver ang kanilang natutunan sa training.

Kaya nararapat lamang na magkusa at magsagawa ang mga kompanya ng refresher courses para sa kanilang mga empleyadong nagmamaneho. Sa ganitong paraan, masisiguro natin ang kaligtasan at kawastuhan sa kalsada.

Maiiwasan na ang aksidente, protektado pa ang negosyo sa defensive driving refresher course.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here