KAPAG ang usapin ay nagiging tila banggaan ng pamahalaan at isang malaking relihiyosong samahan, hindi lamang pulitika ang nakataya—kundi ang tiwala ng mamamayan sa ating mga demokratikong institusyon.
Sa mga nakalipas na buwan, kapansin-pansin ang mga pahayag ng Iglesia Ni Cristo hinggil sa ilang isyung pambansa at ang hayagang pagsuporta nito sa ilang paninindigan at personalidad. Kasabay nito, lumalakas din ang pananaw ng ilang sektor na tila lumalalim ang hidwaan sa pagitan ng pamahalaan at ng naturang relihiyosong organisasyon.
Totoo man o hindi ang ganitong persepsyon, isang bagay ang malinaw: hindi dapat maging dahilan ang relihiyon o paninindigang pampulitika upang magkaroon ng magkaibang pagtrato sa sinoman.
Sa isang demokratikong bansa, may karapatan ang bawat relihiyosong grupo na ipahayag ang kanilang saloobin sa mga usaping Pambansa tulad ng ginagawa ng INC, basta’t ito ay ginagawa sa paraang mapayapa at naaayon sa batas.
Gayundin, tungkulin ng pamahalaan na ipatupad ang batas nang patas at walang kinikilingan, anoman ang relihiyon o paniniwala ng isang mamamayan.
Kung may mga alegasyon ng katiwalian, ang mga ito ay dapat imbestigahan batay sa ebidensya at hindi sa kulay ng pulitika. Kung may mga kasong isinampa laban sa sinomang opisyal o personalidad, ang mga ito ay dapat ding resolbahin sa hukuman at hindi sa opinyon ng publiko.
Ang “due process” ang dapat manaig, hindi ang hinala.
Ang higit na mahalagang tanong ay hindi kung sino ang mas makapangyarihan—ang pamahalaan ba o isang relihiyosong samahan. Ang tunay na tanong ay kung mapananatili ba natin ang paggalang sa kalayaan sa pananampalataya, ang pagiging patas ng ating mga institusyon, at ang pananaig ng batas sa gitna ng magkakaibang pananaw.
Walang mananalo kung ang mamamayan ay mawawalan ng tiwala sa gobyerno o sa mga institusyong matagal nang nagsisilbing gabay sa lipunan. Ang kailangan ng Pilipinas ay hindi mas malalim na hidwaan, kundi mas matibay na paggalang sa batas, sa katotohanan, at sa karapatan ng bawat isa. Sapagkat ang isang matatag na demokrasya ay hindi nasusukat sa dami ng magkakampi, kundi sa kakayahan nitong maging makatarungan sa lahat.






