Home NATIONWIDE Pagbabantay sa online groups na target mga menor de edad, paiigtingin ng...

Pagbabantay sa online groups na target mga menor de edad, paiigtingin ng PNP

3
0

MANILA, Philippines – Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga online site at transnational online groups na umano’y nanghihikayat sa mga menor de edad na sumali sa marahas na ekstremismo.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na palakasin ang cyber monitoring at cyber patrolling, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno.

Sinabi ni Nartatez, “The service and protection that we in the PNP have committed to provide extend beyond our streets and communities. We are now giving equal focus on cyberspace through close monitoring and intense cyber patrolling.”

Ang hakbang ay kasunod ng pagdinig sa Senado tungkol sa pamamaril sa paaralan sa Tacloban City, kung saan lumabas na maaaring na-expose ang dalawang menor de edad na suspek sa “764 Network,” isang transnational online group ng violent extremists.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, sinabi ng mga suspek na may isang “adult groomer” na konektado sa naturang grupo. Ang dalawang menor de edad ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Regional Rehabilitation Center for Youth.

Makikipag-ugnayan din ang PNP sa mga foreign law enforcement agencies upang matukoy ang lawak ng operasyon ng grupo, ang mga nasa likod nito, at kung may mga Pilipinong sangkot o iba pang menor de edad na naging target.

Patuloy din ang kampanya ng mga awtoridad laban sa mararahas na online games, partikular ang GoreBox, na umano’y nilalaro ng isa sa mga suspek. Gayunman, nilinaw ng mga awtoridad na wala pang konkretong ebidensya na direktang nag-uugnay sa mararahas na video game at mga school attack, ngunit hinihikayat nila ang mga magulang na bantayan ang online activities ng kanilang mga anak. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here