MANILA, Philippines – Sinabi ni Sen. Rodante Marcoleta na handa siyang maaresto kung kinakailangan habang ipinagtatanggol ang sarili laban sa kasong plunder na nakatakdang isampa laban sa kanya.
Sa kanyang talumpati sa “Rally for Transparency and Accountability” sa EDSA People Power Monument, nagpasalamat siya sa mga dumalo, kabilang ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo at iba pang tagasuporta, sa pananatili sa kabila ng malakas na ulan.
Ayon kay Marcoleta, “Nakahanda po akong magpakulong kung kinakailangang maaresto po ako, wala pong problema. Kung ito po ang kabayarang hinihingi para ipagtanggol ko ang katarungan at ang pambansang kagalingan at ang interes ng mamamayang Pilipino.”
Binasa rin niya ang Preamble ng 1987 Constitution at sinabing ito ang sumasalamin sa layunin ng kanilang pagtitipon.
Iginiit ni Marcoleta na wala siyang ginawang mali at sinabi na ang pondong binabanggit sa reklamo ay mga campaign contribution mula sa kanyang mga kaibigan gamit ang sarili nilang pera.
Aniya, “Ang ibinibintang nila sa akin ay salaping pantulong para sa kampanya para ako ay manalong isang senador. Mga kaibigan po na pribado at sarili nilang pera ang kanilang itinulong sa akin.”
Sinabi rin niya na hindi umano naipapakita sa reklamo ang mga elemento ng korapsyon o pag-abuso sa kapangyarihan.
Kinuwestiyon din ni Marcoleta kung bakit siya ang pinupuntirya ng Office of the Ombudsman sa halip na imbestigahan ang mga umano’y katiwalian na kanyang ibinunyag.
Iginiit pa niya na may motibong pulitikal ang kasong isinampa laban sa kanya at pinuna ang isang kapwa senador na umano’y nagsabing maaaring “baluktutin” ang batas para sa layuning pampulitika. RNT/MDS