MANILA, Philippines – Naantala ang klase sa Bagong Silangan High School sa Quezon City matapos kumalat ang pekeng ulat tungkol sa umano’y insidente ng pananaksak sa loob ng paaralan.
Nilinaw ni Barangay Bagong Silangan Captain Wilfredo “Willy” Cara na walang naganap na pananaksak o anumang karahasang insidente sa paaralan.
Ayon kay Cara, hindi sinuspinde ang klase. Gayunman, maraming magulang ang maagang sumundo sa kanilang mga anak matapos mabahala sa mga mensahe at social media posts na kumalat.
Sinabi rin niya na may mga estudyanteng umiyak dahil sa kumalat na tsismis na sasaksakin umano sila kapag lumabas ng paaralan.
Patuloy pang sinusuri ng mga awtoridad ang isang ulat na may estudyanteng tinutukan ng patalim, ngunit hanggang ngayon ay wala pang kumpirmadong insidente ng karahasan.
Dagdag ni Cara, “So far, quiet and peaceful po tayo.”
Dahil sa kumalat na maling impormasyon, nagpadala ng mga tauhan ang Quezon City Police District, Barangay Bagong Silangan, Parents-Teachers Association, at Quezon City Rescue Department upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante.
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng paaralan at pulisya upang matugunan ang pangamba ng mga magulang at mapanatili ang seguridad sa paaralan. RNT/MDS