MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy na sumasailalim sa masusing rehabilitasyon ang dalawang menor de edad na sangkot sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Ada Colico, nasa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) ang dalawang bata kung saan mayroon silang magkahiwalay na kuwarto at hindi pinagsasama sa ibang residente.
Bawat isa ay may nakatalagang house parent, psychologist, at social worker na regular na nagbibigay ng counseling at iba pang angkop na intervention.
Hindi rin muna sila pinapayagang makipag-ugnayan o mabisita ng kanilang mga magulang habang patuloy ang psychological assessment. Ayon sa DSWD, ang desisyon kung kailan sila maaaring bisitahin ng pamilya ay nakadepende sa rekomendasyon ng mga psychologist at social worker.
Sinabi rin ni Colico na may kanya-kanyang rehabilitation plan ang dalawang bata, kabilang ang therapy, iba pang intervention, at mga kinakailangang serbisyong medikal.
Binigyang-diin niya na mahalaga rin ang pakikilahok ng pamilya sa rehabilitasyon ng mga batang may kaso sa batas (CICL) bilang bahagi ng isang holistic at total family approach. Dagdag pa niya, ang resulta ng mga pagsusuri ng psychologist ang magiging batayan sa pagpapasya kung handa na silang maibalik sa komunidad. RNT/MDS