Home HOME BANNER STORY ‘Di napansin: SUV driver sa viral bunggo sa traffic enforcer, isang senior...

‘Di napansin: SUV driver sa viral bunggo sa traffic enforcer, isang senior citizen

4
0

CEBU CITY — Sugatan ang isang traffic enforcer matapos siyang mabangga at muntik pang masagasaan ng isang Sport Utility Vehicle sa intersection sa Barangay Capitol Site, Cebu City nitong Miyerkules.

Ang insidente, na nakuhanan ng CCTV, ay iniulat sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang pinahihinto ng traffic enforcer ang mga sasakyan sa intersection dahil sa mabigat na daloy ng trapiko. Huminto sa harap niya ang isang puting SUV, ngunit nang tumalikod ang enforcer, biglang umabante ang sasakyan at binangga siya mula sa likuran.

Bumagsak sa kalsada ang enforcer at nagawang gumapang palayo bago pa siya tuluyang masagasaan ng SUV na patuloy na umandar palayo sa lugar.

Huminto lamang ang sasakyan matapos itong habulin ng isang bystander na nakakita sa pangyayari.

Ayon sa sugatang enforcer, pinahinto niya ang mga sasakyan sa likuran niya upang hindi maharangan ang intersection dahil sa mabigat na volume ng trapiko.

Sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit, sinabi ng driver ng SUV, na isang senior citizen, na hindi niya nakita ang enforcer kahit nakatayo ito sa harap ng kaniyang sasakyan.

Hindi pinayagan ng TEU na makapanayam ang driver dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Dagdag pa ng pulisya na magsasampa sila ng reklamong direct assault with attempted homicide laban sa SUV driver batay sa CCTV footage kung saan makikitang muntik nang maipit sa ilalim ng SUV ang enforcer. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here