Home NATIONWIDE Patas na impeachment trial nanganganib kung walang SC ruling sa bilang ng...

Patas na impeachment trial nanganganib kung walang SC ruling sa bilang ng ‘majority’ — Cayetano

2
0

MANILA, Philippines – Malalagay sa alanganin ang pagiging patas ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung hindi agad lulutasin ng Supreme Court ang sigalot sa kung ilan ang tunay na “majority” sa Senado, babala ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes.

Inihayag ito ni Cayetano matapos maghain ng manifestation ang kanyang kampo sa sa Supreme Court nitong June 30, 2026 para igiit ang kanilang naunang petisyon na kumukuwestiyon sa bisa ng June 3 session, na tinawag niyang “rump session.”

Sa kanyang Facebook livestream sa kaparehong araw, sinabi ng abogadong senador na mahalagang magpasya na ang Korte Suprema kung ano ang ibig sabihin ng “majority of all members” ng Senado, lalo na’t nakatakda nang magsimula ang impeachment trial sa July 6.

Sa ilalim kasi ng Konstitusyon, kailangan ng boto ng hindi bababa sa two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado, o 16 na boto, para ma-convict ang isang opisyal sa impeachment trial.

Pero nanganganib malusaw ang malinaw na patakarang ito dahil sa mga pagtatangkang ibaba ang kinakailangang boto sa gitna ng posibleng pagkawala ng ilang senador na kaalyado ni Cayetano dahil sa mga kasong isinampa sa kanila ng administrasyon.

“This (manifestation) is not about the Senate Presidency. This is about Constitutional order. It is about the numbers, but it is also about the moral boundaries and the law. Ano ba ang ‘majority of all members’?” wika niya.

“Sabi nila we are obstructing justice. Hindi po — we are obstructing injustice,” dagdag niya.

Nitong June 1, inaresto si Senator Jinggoy Estrada kaugnay ng umano’y plunder case matapos niyang sabihin sa publiko na mananatili siya sa kampo ni Cayetano.

Makalipas ang ilang linggo, inanunsyo naman ng Office of the Ombudsman na si Senator Rodante Marcoleta, isa pang kaalyado ni Cayetano, ay haharap sa non-bailable plunder case sa Sandiganbayan.

Ayon kay Cayetano, dahil walang pyansa ang kaso, hindi makakadalo si Marcoleta sa mga sesyon ng Senado, mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee, at impeachment trial hangga’t nakabinbin ang kaso.

“We’re not against the full application of the law. Lahat ng dapat managot, dapat managot,” giit ni Cayetano. “Pero hindi naman po pwedeng aayusan ng non-bailable na kaso para mabawasan ang mga senador at hindi na pwede mag-participate. Tapos kapag kumampi, abswelto na o wala nang kaso.”

Aniya, posibleng maapektuhan ang impeachment trial kung mananatiling hindi malinaw ang depinisyon ng “all members” at kung ibabatay ang bilang ng boto sa dami lamang ng mga senador na makadadalo.

“Narinig na nating sinabi n’ung iba na kapag 22 lang sila (senators), baka hindi 16 ang kailangan para mag-convict. Ibig sabihin po ba noon, kapag anim ang kinulong na senador eh sa 12 [boto] pwede nang i-convict ang kahit na sinong impeachable officer?” wika niya.

Pinanindigan ng Minority Leader ang kanyang pagtutol sa patuloy na pagbaluktot ng batas para pahinain ang mga institusyon ng bansa, makakuha ng political advantage, at pagtakpan ang korapsyon.

“‘Pag injustice na po, kailangan magsakripisyo na po tayo. Kasi po patapang na nang patapang ang mga nagnanakaw. Patapang na nang patapang ang cover-up,” wika niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here