MANILA, Philippines – NILAGDAAN ng Pilipinas at Canada ang federal bilateral labor and migration agreement na naglalayong palakasin ang proteksyon para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa pamamagitan ng patas na recruitment practices at mas malapit na pagtutulungan ng pamahalaan.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ang kasunduan ay pinirmahan sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Canada’s Department of Citizenship and Immigration (CIC Canada), muling pinagtibay ang commitment ng dalawang bansa para i-promote ang legal migration pathways habang tinitiyak na ang recruitment at deployment ng mga manggagawang pinoy ay isinasagawa alinsunod sa batas at regulasyon ng dalawang bansa.
“This is the first-ever federal bilateral agreement on labor and migration with Canada,” ayon kay Cacdac.
“In line with the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr., we continue to expand and elevate our labor cooperation by affirming our shared values on fair and ethical recruitment,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, ang Joint Declaration of Intent (JDI) on Labor and Migration Cooperation ay pinirmahan nina Cacdac at Canada’s Foreign Minister Anita Indira Anand, araw ng Huwebes (oras sa Vancouver), sa panahon ng working visit ni Pangulong Marcos sa Canada dahil na rin sa imbitasyon ni Prime Minister Mark Carney.
Kapuwa naman sinaksihan nina Pangulong Marcos at Carney ang paglagda sa deklrasyon, nagtatag ng karaniwang balangkas para sa labor migration sa pagitan ng Pilipinas at Canada sa federal level.
Binigyang diin naman ni Carney ang kahalagahan ng deklarasyon, sabay sabing ito’y “the first of its kind” na nilagdaan ‘bilaterally’ ng federal government ng Canada.
Winika pa ni Cacdac na higit pa sa isang diplomatic milestone, ang kasunduan ay “a concrete step toward making overseas employment safer, fairer, and more accessible for Filipino workers and their families.”
“While the Philippines already has labor cooperation with several Canadian provinces, the new declaration establishes, for the first time, a shared framework with Canada’s federal government outlining the principles that will guide cross-border labor migration,” aniya pa rin.
Samantala, kabilang sa pinakamahalagang commitments sa ilalim ng deklarasyon ay ang prinsipyo na ang mga manggagawa at naghahanap ng trabaho ay dapat na hindi sinisingil ng recruitment fees at iba pang kaugnay na halaga ng employers.
Maliban sa patas na pagpo-promote at ethical recruitment at employment practices, hangad din ng kasunduan na tiyakin na ang migrant workers ay mayroong access sa impormasyon ukol sa kanilang karapatan, kabilang na ang available na ‘grievance mechanisms.’ KRIS JOSE