MANILA, Philippines – TIKLO ang apat na indibidwal matapos maaktuhan na iligal na naglilipat ng petroleum products mula sa dalawang bangka patungo sa isang tanker truck sa Navotas City, Huwebes ng umaga, Hulyo 2.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela na habang nagpapatrolya ang kanyang mga tauhan nang isang concerned citizen ang nag-ulat sa kanila hinggil sa nagaganap umanong ‘paihi’ sa Kanduli St., Brgy. NBBS Dagat-Dagatan, alas-6:30 ng umaga.
Nang respondehan ng mga tauhan ng Kaunlaran Police Sub-Station 4, naaktuhan nila ang apat na indibidwal na iligal na naglilipat ng petroleum products mula sa dalawang bangka patungo sa isang tanker truck.
Nang hingan ng kaukulang permit, lisensya, at iba pang dokumentong nagpapatunay sa legal na transportasyon at paghawak ng petroleum products, nabigo ang mga suspek na makapagpakita ng anumang awtorisasyon na dahilan upang arestuhin sila ng mga pulis.
Nakumpiska ng pulisya ang isang tanker truck, dalawang bangka na may kargang petroleum products na hindi pa matukoy ang dami, dalawang generator pump, at 50 metrong suction hose.
Mahaharap ang mga suspek na edad 50, 28, 25, at 21, sa kasong paglabag sa Section 2 ng Presidential Decree No. 1865 (Illegal Trading in Petroleum and/or Petroleum Products) sa Navotas City Prosecutor’s Office. Merly Duero