MANILA, Philippines – SINAKSIHAN nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Mark Carney, araw ng Huwebes (oras sa Canada) ang paglagda sa ilang mahahalagang kasunduan na magpapalawak at magpapalalim ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Canada.
“Ikinalulugod ko ring masaksihan ngayong araw ang paglagda sa mga bilateral na kasunduan at mga deklarasyon ng kooperasyon sa larangan ng enerhiya, at natural resources, turismo, kultura, labor at migration,” pahayag ni Pangulong Marcos sa joint press statement kasama si Prime Minister Carney sa Vancouver Convention Centre.
“Makakatulong ang mga kasunduang ito upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng mamamayan ng ating dalawang bansa, habang sama-sama nating pinalalawak ang ating kakayahan at lumilikha ng talent pipeline na kapaki-pakinabang para sa magkabilang panig sa hinaharap,” aniya pa rin.
Kabilang sa mga nilagdaang dokumento ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Tourism (DOT) ng Pilipinas at Department of Industry ng Canada para sa kooperasyon sa turismo, gayundin ang MOU sa pagitan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Department of Canadian Heritage para sa Cultural Cooperation.
Nilagdaan din ang Joint Declaration of Intent Concerning Energy and Natural Resources Cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Canada, at ang Joint Declaration of Intent sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Citizenship and Immigration ng Canada hinggil sa kooperasyon sa larangan ng paggawa at migration. KRIS JOSE