MANILA, Philippines – Inaasahang magdadala ang Super Typhoon Bavi ng malalakas na hangin at pag-ulan sa bansa simula Martes, Hulyo 7, ayon sa PAGASA.
Bagama’t nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR), inaasahang papasok ito sa Miyerkules at tatawaging “Inday.”
Ayon sa PAGASA, mababa ang posibilidad na mag-landfall ang bagyo sa Pilipinas. Gayunman, maaari nang magtaas ng tropical cyclone wind signals sa hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon simula Martes.
Inaasahan din ang malalakas na bugso ng hangin at maalon na karagatan mula Martes hanggang Miyerkules.
Palalakasin din ng Bavi ang habagat, na magdadala ng malalakas na ulan sa hilaga at kanlurang bahagi ng bansa pagsapit ng Huwebes.
Huling namataan ang Bavi 2,700 kilometro silangan ng Eastern Visayas, na may lakas ng hangin na 195 kph at pagbugsong hanggang 240 kph. RNT/MDS