MANILA, Philippines – Sa kulungan ang bagsak ng isang pedicab driver na akusado sa kasong Murder nang masakote ng pulisya sa manhunt operation sa Navotas City.
Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela ang manhunt operation laban sa 28-anyos na akusado na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Navotas City Police Station.
May arrest warrant ang akusado na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 286, Navotas City para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner ng mga tauhan ng Navotas Police Patrol Base 3 sa Brgy. NBBS Proper, at damputin sa bisa ng nasabing warrant.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Navotas CPS habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Merly Duero)