MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isang dating pulis sa Calatagan, Batangas matapos makuhanan ng baril na walang kaukulang permit.
Inilabas ng Batangas police ang report nitong Lunes, Hulyo 6, at sinabing nagsilbi ng warrant of arrest ang mga awtoridad sa murder suspect na kinilala bilang si “Jun” sa resort sa Barangay Bagong Silang bandang 7:30 ng gabi nang makita ang isang Glock 30 .45-caliber pistol sa loob ng tent.
Ayon sa pulisya, ang lalaki na tinukoy sa pangalang “Jonathan,” 48, ay nagsabing pagmamay-ari niya ang armas at ipinresenta ang kaukulang firearm license at License to Own and Possess Firearms (LTOPF).
Sa kabila nito ay bigo siyang makapagpakita ng valid Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR), dahilan para arestuhin ito sa paglabag sa Section 31 ng Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Kalaunan ay napag-alaman na si Jonathan, residente ng Quezon City, ay isang dating miyembro ng Philippine National Police.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Jonathan habang hinihintay ang ihahaing reklamo. RNT/JGC