Home NATIONWIDE Ikalawang yugto ng EDSA rehabilitation inilunsad na – Malakanyang

Ikalawang yugto ng EDSA rehabilitation inilunsad na – Malakanyang

2
0

MANILA, Philippines – INILUNSAD na ng pamahalaan ang ikalawang yugto ng EDSA Rehabilitation Project bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagandahin ang pangunahing lansangan ng Metro Manila at matiyak ang mas ligtas at mas maginhawang biyahe para sa mga motorista at commuter.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inatasan ni Pangulong Marcos si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na tiyaking mas matibay ang mga kalsada, mas malalapad ang mga bangketa, at de-kalidad ang mga materyales na gagamitin sa rehabilitasyon.

Ayon kay Castro, nagsimula ang pagkukumpuni sa northbound Ortigas Bus Lane sa Mandaluyong City nitong Sabado, Hulyo 4.

“Alinsunod sa direktibang ito ng Pangulo, double-time ang kilos ng DPWH sa pamumuno ni Secretary Vince Dizon. Sinimulan ang repair works sa northbound ng Ortigas Bus Lane sa Mandaluyong nitong Sabado, July 4,” ani Castro.

Sinabi ni Castro na nais ng Pangulo na maging prayoridad ang rehabilitasyon ng EDSA, na itinuturing na pangunahing transport artery ng Metro Manila, upang matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng trapiko at mabawasan ang abala sa araw-araw na biyahe ng libu-libong Pilipino.

Aniya, sumasalamin ang proyekto sa pangako ng administrasyon na maghatid ng matibay at de-kalidad na imprastraktura na tumutugon sa pangangailangan ng publiko.

“Mas matibay na kalsada, mas malalawak na sidewalk gamit ang de-kalidad na materyales at pulidong trabaho. Ang lahat ng ito ay para sa ating mga kababayang commuter at motorista. Prayoridad ng Administrasyon ang repair works sa tinaguriang main transport artery ng Metro Manila,” dagdag ni Castro.

Dagdag pa ng opisyal, sa ilalim ng Bagong Pilipinas, binibigyang-diin ng administrasyon na ang mga proyektong pang-imprastraktura ay hindi lamang dapat matapos, kundi dapat ding maisagawa ayon sa mataas na pamantayan upang maranasan ng mga Pilipino ang mas maayos na serbisyo ng pamahalaan. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here