MANILA, Philippines – Aabot sa may kabuuang 2,917 mahihirap na pamilya sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) ang na-enroll bilang bagong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Lunes, Hulyo 6, 2026.
Sa isang ulat na inilathala sa kanilang Facebook page, sinabi ng DSWD Region IV-A na ang mga bagong benepisyaryo ay na-validate sa unang quarter ng taon mula sa mahigit 11,000 pamilya na nakilalang mahirap o halos mahirap sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) database ng Philippine Statistics Authority.
Ayon sa DSWD, sinimulan na nitong gamitin ang CBMS bilang opisyal na basehan sa pagtukoy ng mga pamilyang karapat-dapat ma-enroll sa 4Ps ngayong taon.
Itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11310, ang 4Ps ay ang pangunahing conditional cash transfer program ng gobyerno na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga pamilyang mababa ang kita upang masuportahan ang edukasyon ng mga bata.
Sa kasalukuyang proseso ng pagrerehistro, ginagamit ng mga social worker ng DSWD ang datos ng CBMS para tukuyin ang mga posibleng benepisyaryo.
Nabatid sa ahensya na kailangang naka-rehistro rin ang mga pamilya sa Philippine Identification System (PhilSys) bago sila opisyal na ma-enroll sa programa, isang requirement na layuning pabutihin ang kahusayan at bilis ng pamamahagi ng tulong ng gobyerno.
Ang CBMS, na nangongolekta, nagpoproseso, at nagva-validate ng datos ng sosyo-ekonomiko para sa pagsusuri ng kahirapan, ang pumalit sa “Listahanan” na database ng DSWD noong 2024 at ngayon ay nagsisilbing opisyal na sanggunian ng gobyerno para sa pagtukoy sa mga karapat-dapat na benepisyaryo.
Ayon sa DSWD, ang mga bagong na-enroll na pamilya ay magsisimulang tumanggap ng conditional cash grants kapag sila ay naging aktibong benepisyaryo at nakasunod sa mga requirements ng programa.
Kaugnay nito kabilang dito ang pagtiyak na ang mga bata ay may hindi bababa sa 85 porsyentong pagpasok sa paaralan bawat buwan, pagdadala sa mga batang limang taong gulang pababa at mga buntis para sa regular na check-up sa kalusugan, at pagdalo sa buwanang Family Development Sessions.
Dagdag pa ng ahensya, ang mga benepisyaryo ay ikakabit din sa iba pang interbensyon ng gobyerno, kabilang ang pagsasanay sa kasanayan, mga oportunidad sa kabuhayan, mga programa sa scholarship, at mga aktibidad sa pagpapahalaga upang makatulong sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng kanilang pamilya.
Sinabi ng DSWD na inaasahang mas marami pang pamilya ang idaragdag sa programa habang ipinagpapatuloy ng Field Office IV-A ang pag-validate sa mahigit 27,000 pamilya sa buong rehiyon.
Samantala, ang panukalang Expanded 4Ps Bill (House Bill No. 8647), na naglalayong palakasin ang pagpapatupad ng conditional cash transfer program, ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives noong Mayo. Santi Celario