Home METRO Batang naglalaro sa kalsada, nasawi sa sagasa sa QC

Batang naglalaro sa kalsada, nasawi sa sagasa sa QC

3
0

MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 10-taong-gulang na batang lalaki matapos magulungan ng isang sports utility vehicle (SUV) habang naglalaro umano sa kalsada sa Barangay Balingasa, Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Sinabi sa ulat ng pulisya na lumabas sa imbestigasyon na naglalaro ang biktima sa kalsada kasama ang dalawa pang bata nang maganap ang insidente.

“Humiga siya sa kalsada and then umupo, hanggang sa dumating ’yung SUV na minamaneho ng ating suspek,” ayon kay Quezon City Police District Traffic Sector 1 Commander Police Lieutenant Jason Santoceldes.

Ayon pa sa traffic police, tila hindi napansin ng driver ang bata dahil medyo pababa ang kalsada hanggang sa magulungan niya ang biktima.

Mabilis na isinugod sa ospital ang bata, pero binawian din ng buhay.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Traffic Sector 1 ng Quezon City Police District ang 55-anyos na driver ng SUV.

Ayon sa driver, pauwi na siya nang mangyari ang insidente at hindi niya nakita ang bata.

“’Di ko talaga nakita. Humihingi lang ako ng tawad sa nangyari. Hindi ko kagustuhan ’yon, aksidente lang talaga,” ayon sa driver.

Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Nabatid sa ulat, Grade 5 student ang biktima at bunso sa apat na magkakapatid. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here