MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senate President Win Gatchalian na bigyan ang gobyerno ng mas malakas na kapangyarihan upang matiyak na hindi magpapataw ang mga kompanya ng langis ng hindi makatwirang presyo ng gasolina sa mga mamimili, at sinabing hindi dapat isakripisyo ang kapakanan ng publiko dahil sa sistema ng deregulasyon.
Isa na namang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang epektibo ngayong araw. Sinabi ni Gatchalian na dapat mahigpit na bantayan ng gobyerno ang acquisition cost o halaga ng pagbili ng mga kompanya ng langis sa mga inaangkat na langis upang mapatunayan na nananatiling makatwiran ang presyo sa mga lokal na gasolinahan sa kabila ng deregulated setup.
Ginawa ng senador ang pahayag sa nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Energy ukol sa kanyang mga iminumungkahing amyenda sa Republic Act No. 8479, o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act, sa ilalim ng Senate Bill No. 641.
“Bagamat layunin ng batas na umakit ng mga pribadong pamumuhunan, hindi dapat iwanan ng deregulasyon ang mga mamimili na madaling mabiktima ng labis na pagpepresyo,” ani Gatchalian.
“Kailangan nating magkaroon ng sensitibong balanse. Sa isang banda, gusto nating hikayatin ang mga pribadong kompanya na mamuhunan, ngunit hindi rin natin maaaring payagan na labis ang kanilang tubo,” dagdag pa niya.
Layon ng Senate Bill No. 641 na atasan ang mga kompanya ng langis na isapubliko ang mga totoong cost components sa kanilang retail fuel prices kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil, batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), ay katumbas o higit pa sa USD80 kada bariles.