MANILA, Philippines – Pansamantalang isinantabi ng impeachment court ang pagtalakay sa partisipasyon nina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta na makadalo upang personal na makabahagi sa nagaganap na paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sa ikalawang araw ng paglilitis, hiniling ni Senator-judge Francis “Kiko” Pangilinan sa impeachment court na isantabi muna ang deliberasyon kung hihilingin sa Sandiganbayan, sa pamamagitan ng petisyon, na makadalo sina Estrada at Marcoleta.
“The matter of whether or not Senators [Rodante] Marcoleta and [Jinggoy] Estrada should be participating in the process of the trial is another matter that we will have to discuss, perhaps in camera or on the floor at a later date,” ayon kay Pangilinan.
Kamakailan, hinikayat ni Senator-judge Alan Peter Cayetano ang Senate Impeachment Court nitong Lunes na pormal na hilingin sa Sandiganbayan na payagang dumalo sa impeachment trial ng Bise Presidente ang mga nakadetineng sina Estrada at Marcoleta.
Aniya, kailangan ito upang magampanan nila nang maayos at patas ang kanilang tungkulin bilang mga senator-judge.
Paliwanag ni Cayetano, awtomatikong magiging acquittal ang boto ng dalawang senador kung hindi sila makadadalo, bagay na taliwas aniya sa patas na trial na gusto ng lahat.
“As we said from the start, we want justice. We want a fair impeachment trial. Sinabi ng prosecution na sana tingnan ang ebidensya, pakinggan ang mga witnesses,” punto ni Cayetano sa unang araw ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte nitong July 6, 2026.
“So allowing them to attend here might add to the integrity of the proceeding and actually make things easier when the time comes to render a verdict.”
Ang apela ni Cayetano ay kasunod ng talumpati ni Presiding Officer Senator Francis Escudero na susundin ng impeachment court ang 16 pataas na bilang ng botong kailangan para ma-convict si Duterte sa ilalim ng Section 3, Subparagraph 6, Article XI ng Konstitusyon.
Pero sa kasalukuyan, hindi kumpleto ang 24 na senador. Nakadetine ngayon para sa mga kasong plunder at graft si Estrada habang inaresto naman si Marcoleta ilang oras bago ang impeachment trial para sa umano’y kasong plunder kaugnay ng campaign donations.
Bagama’t batid ni Cayetano na suspendido sa ngayon si Estrada bilang senador, iginiit niyang “sui generis” ang impeachment court, o isang hukuman na may sariling katangiang hiwalay sa Senado.
Posible rin naman aniyang makadalo ang dalawa kung mababasura ang kanilang kaso sa kasagsagan ng impeachment trial o kaya ay payagan silang magpiyansa. Pero minabuti ni Cayetano na ihayag ang nasabing proposal para mapagdiskusyunan ng impeachment court “at the proper time.”
“I’d like to formally ask that this court consider that, whether you’ll rather have a caucus or an in-camera discussion, or if you want us all to submit our legal opinion. I wouldn’t also mind the prosecution and the defense weighing in,” aniya.
Para sa abogadong senador, mahalagang personal na masuri ng lahat ng mga senator-judge ang mga ebidensya at witness para masiguradong patas ang kalalabasan ng trial.
“We do not know what will happen. Their case may be dismissed, they can be out on bail. So we want them to be able to participate and observe the witnesses as senator-judges here,” ani Cayetano. Ernie Reyes