MANILA, Philippines – Mas maaga sa itinakdang target na panahon ang pagkumpleto sa rehabilitasyon ng San Nicolas Health Center matapos itong opisyal na buksan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso limang buwan lamang mula nang simulan ang pagsasaayos nito.
Kasama ni Yorme sa pagbubukas ng pasilidad sina Chi Atienza at Manila Health Department Officer-in-Charge Grace Padilla nitong Lunes, Hulyo 6, 2026.
Ayon sa alkalde, natapos ang proyekto nang isang buwan na mas maaga kaysa sa orihinal na anim na buwang target ng lungsod.
“We promised to build this in six months and today is the 5th month, we are ahead of one month,” pahayag ni Domagoso.
Sinabi ng alkalde na bahagi ito ng patuloy na pamumuhunan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga programang tumutugon sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan, partikular sa sektor ng kalusugan.
Matapos ang San Nicolas Health Center, nakatakda ring sumailalim sa rehabilitasyon ang iba pang health centers sa lungsod na lalagyan ng mga makabagong kagamitang medikal upang higit na mapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.
Layunin ng programa na mailapit ang dekalidad na serbisyong medikal sa mga residente, mabawasan ang dami ng pasyente sa mga ospital, at matiyak na mabibigyan ng sapat na atensiyon ang mga nangangailangan ng agarang gamutan.
Binigyang-diin ni Domagoso na hindi titigil ang kanyang administrasyon sa pagsasaayos ng mga pasilidad na pangkalusugan at paglalaan ng mga kinakailangang kagamitan para sa kapakinabangan ng mga Manileño.
“We are doing better. Marami pa tayong aayusin, hindi lang basta aayusin, pupunuan ko ng takdang gamit. We will not stop, promise ko ’yan sa inyo,” dagdag pa ng alkalde.