Home METRO Sasakyang ginamit pangholdap sa pawnshop natagpuan sa Laguna

Sasakyang ginamit pangholdap sa pawnshop natagpuan sa Laguna

19
0

LAGUNA, Philippines – Natagpuan ng pulisya sa Biñan, Laguna ang inabandonang sasakyang pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa pagtakas matapos ang panloloob sa isang jewelry pawnshop sa GMA, Cavite, kung saan tinangay ang humigit-kumulang ₱23.7 milyong halaga ng alahas at pera.

Ayon sa Biñan Component City Police Station (CCPS), bandang 10:50 p.m. ng Hulyo 6 nang matagpuan ang pulang Mitsubishi Mirage na may plakang NIC 2980 sa parking area sa kahabaan ng National Highway sa harap ng Brown House Fitness Academy Gym sa Barangay Canlalay.

Nauna rito, bandang 6:00 p.m., nakatanggap ng impormasyon ang Biñan CCPS mula sa GMA Municipal Police Station tungkol sa kahina-hinalang sasakyan na posibleng may kaugnayan sa robbery sa isang pawnshop sa Barangay San Gabriel, na naganap bandang 9:00 a.m. ng parehong araw.

Bago ang forensic examination, tiniyak muna ng EOD-K9 Unit ng Laguna Police Provincial Office na ligtas ang sasakyan. Sinundan ito ng masusing pagproseso ng SOCO ng Regional Forensic Unit.

Kabilang sa mga narekober sa loob ng sasakyan ang iba’t ibang kasuotan, anim na malalaking jewelry box, backpack, kahon ng Samsung A17 cellphone, walong cable tie, ₱50 bill, hair color, bote ng tubig, tissue, dalawang pares ng sapatos, at tatlong bull cap na posibleng ginamit ng mga suspek upang itago ang kanilang pagkakakilanlan.

Ililipat ang lahat ng ebidensiya sa GMA Municipal Police Station para sa mas malalim na forensic examination bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga responsable sa isa sa pinakamalalaking insidente ng robbery-holdap sa Cavite ngayong taon. Inaasahang makatutulong ang mga nakuhang ebidensiya sa pagtukoy at pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here