MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang clarificatory hearing sa status ng trabaho ni dating Ateneo Coach Tab Baldwin bukas sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Bilang bahagi ng ilang mga paglilinaw sa estado ng trabaho ni Baldwin , inatasan din ng DOLE si Ateneo de Manila University President Fr. Roberto C.Yap SJ na dumalo sa clarificatory hearing.
Ayon sa DOLE, ito ay upang magbigay ng impormasyon kaugnay sa employment contracts na pinasok ni Baldwin sa Ateneo de Manila University.
Bukod dito bubusisiin din ang iba pang kaugnay na employment o engagement documents ng dayuhang coach.
Kamakailan lamang ay humarap si Baldwin sa unang clarificatory hearing kung saan natuklasan at kinumpirma niya mismo na wala siyang Allien Employment Certificate (AEC).
Ang pagpapatuloy ng clarificatory hearing ng DOLE laban kay Baldwin ay kaugnay pa rin sa nangyaring insidente kung saan dalawang student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili ay nalunod at namatay sa Dipaculao ,Aurora matapos silang magsagawa ng training noong Hunyo 8. Jocelyn Tabangcura-Domenden