Home NATIONWIDE Inday humina bilang typhoon; Signal No. 1 nananatili sa 12 lugar

Inday humina bilang typhoon; Signal No. 1 nananatili sa 12 lugar

4
0

MANILA, Philippines — Humina na bilang typhoon si Inday mula sa dating super typhoon nitong Huwebes ng madaling araw, ngunit nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 12 lugar, ayon sa PAGASA.

As of 4 a.m., namataan si Inday sa layong 925 kilometro silangan ng Northern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 175 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 215 kph. Kumikilos ito pa-west-northwest sa bilis na 20 kph.

Nakataas pa rin ang Signal No. 1 sa northern at central Catanduanes, northern Aurora, northeastern Quirino, Isabela, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Batanes, eastern Ifugao, eastern Mountain Province, Kalinga, Apayao, northern Abra, at Ilocos Norte.

Ayon sa PAGASA, Signal No. 2 ang pinakamataas na babalang posibleng itaas habang dumaraan si Inday.

Maaaring magdala si Inday ng pag-ulan na may kasamang pagbugso ng hangin sa Catanduanes, Aurora, Cagayan Valley, Cordillera, at Ilocos Norte. Inaasahan din ang scattered rains sa Eastern Visayas at nalalabing bahagi ng Bicol Region.

Magdadala rin ang pinalakas ni Inday na southwest monsoon o Habagat ng scattered rains sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Lanao del Norte, Sultan Kudarat, Sarangani, at South Cotabato.

Maaari ring makaranas ng pagbugso ng hangin ang iba pang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa pinalakas na Habagat.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, inaasahan ang mainit at maalinsangang panahon, na may posibilidad ng localized rain showers o thunderstorms sa hapon o gabi.

Hindi inaasahang magla-landfall si Inday sa alinmang bahagi ng bansa ngunit maaari itong dumaan malapit sa Batanes sa Biyernes, Hulyo 10. Inaasahang magpapatuloy ito sa pagkilos pa-northwest bago lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado, Hulyo 11.

Gayunman, magpapatuloy pa rin ang pinalakas na Habagat hanggang weekend.

Mula Biyernes hanggang Linggo, maaaring makaranas ng moderate to heavy monsoon rains ang Zamboanga Peninsula, Negros Island Region, Western Visayas, MIMAROPA, CALABARZON, Central Luzon, Ilocos Region, at Metro Manila.

Posible naman ang heavy to intense rainfall sa Occidental Mindoro at Antique, kung saan may banta ng malawakang pagbaha at rain-induced landslides na maaaring magdulot ng seryosong panganib sa buhay at ari-arian.

Nagbabala ang mga awtoridad na ang matinding pagbaha ay maaaring magresulta sa forced evacuations; pinsala sa agrikultura, kabahayan, at imprastraktura; suspensyon ng klase at trabaho; aberya sa biyahe sa lupa, dagat, at himpapawid; at pagtaas ng panganib sa water- at vector-borne diseases gaya ng leptospirosis at dengue.

Maaari ring magdulot ang rain-induced landslides ng pagguho ng bahay, rockfalls, at road blockages sa mga bulubunduking lugar.

Pinayuhan ang publiko na patuloy na bantayan ang opisyal na weather updates kaugnay ng Typhoon Inday at pinalakas na Habagat dahil maaari pang magbago ang forecast. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here