Home NATIONWIDE Barzaga kinasuhan ng cyberlibel sa Maynila

Barzaga kinasuhan ng cyberlibel sa Maynila

4
0

MAYNILA – Pormal nang sinampahan ng kasong cyberlibel ng Office of the City Prosecutor ng Maynila sa Manila Regional Trial Court ang napatalsik na kinatawan ng ika-4 na Distrito ng Cavite na si Francisco “Kiko” Barzaga, kaugnay ng umano’y mapanirang post nito sa social media laban kay Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano.

Batay sa Information na inihain sa korte, nahaharap si Barzaga sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, kaugnay ng Articles 353 at 355 ng Revised Penal Code na tumutukoy sa libel.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ni Valeriano matapos umanong mag-post si Barzaga sa social media na tumanggap ng pera ang mga miyembro ng National Unity Party (NUP) mula sa business tycoon na si Enrique Razon Jr. kapalit ng pagsuporta sa speakership ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon sa prosekusyon, ang naturang social media post ay naipakalat sa publiko at naiulat pa ng iba’t ibang online news platforms, na umano’y nagdulot ng pinsala sa reputasyon, dangal at kredibilidad ni Valeriano bilang halal na opisyal ng pamahalaan.

Sa resolusyong pirmado ni Senior Assistant City Prosecutor Wilbur Arimbuyutan at inaprubahan ni City Prosecutor Giovanne Lim, nakasaad na may prima facie evidence with reasonable certainty of conviction batay sa mga testimonial, dokumentaryo at iba pang ebidensyang nakalap sa isinagawang preliminary investigation.

Nakasaad din sa resolusyon na nabigyan si Barzaga ng pagkakataong magsumite ng kanyang counter-affidavit at iba pang ebidensya bilang bahagi ng due process bago tuluyang isinampa ang kaso sa hukuman.

Samantala, inirekomenda ng Office of the City Prosecutor ang piyansang ₱10,000 para sa pansamantalang kalayaan ni Barzaga habang dinidinig ang kasong cyberlibel sa Manila Regional Trial Court. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here