Home NATIONWIDE Bullying hotspots pinalalagyan kaagad ng school counselor associates

Bullying hotspots pinalalagyan kaagad ng school counselor associates

2
0

MANILA, Philippines – Lantarang kinalampag ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na kung kakalap ng school counselor associates, dapat unahin ang paaralan na may mataas na Insidente ng bullying at iba pang karahasan.

Kasunod ng pahayag na ito ni Gatchalian ang paglalabas ng Civil Service Commission ng Qualification Standards para sa School Counselor Associate I.

Itinatag ang posisyong ito sa ilalim ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) upang matugunan ang kakulangan ng guidance counselors at suportahan ang pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program.

Nauna nang tinukoy ng isang pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang Regions XIII at IV-B MIMAROPA bilang mga rehiyong may pinakamataas na insidente ng bullying. Sumunod dito ang Regions XII, V, at I.

Sa ilalim ng 2026 national budget, naglaan ng P2 bilyon para sa pagkuha ng 10,000 School
Counselor Associate I.

“Sa pagsugpo natin sa bullying at karahasan sa mga paaralan, mahalagang unahin natin ang mga lugar na higit na nangangailangan ng tulong,” sabi ni Gatchalian.

“Sa ganitong paraan, masisiguro nating magiging epektibo ang paggamit ng pondong inilaan natin para sa mga propesyonal na manguna sa pagpapatupad ng ating programa para sa mental health ng mga mag-aaral,” dagdag ni Gatchalian. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here