MANILA, Philippines – Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga opisyal ng pamahalaan na tigilan muna ang pamumulitika at sa halip ay tutukan ang pagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa isang ambush interview sa Hinatuan, Surigao del Sur noong Miyerkoles, Hulyo 8, kung saan dumalo siya sa Araw ng Bigaan at 65th Patronal Fiesta.
“Unang-una ipinapaabot ko sa ating mga opisyal ng pamahalaan na itigil na muna natin ‘yung pamumulitika at pananawagan nila ng transparency at accountability pero ang totoong pakay nila ay ang kanilang sariling political interest,” pahayag ng Pangalawang Pangulo nang tanungin sa kanyang mensahe sa publiko.
“Pangalawa, sa atin pa ring mga opisyal ng pamahalaan, na tutukan natin ang kaayusan, kapayapaan, at kaunlaran ng ating bayan. Matagal na nag-aantay ang ating mga kababayan na maging mas maayos ‘yung kanilang buhay,” dagdag niya.
Si Duterte ay nahaharap sa impeachment charges kaugnay ng mga alegasyon ng culpable violation of the 1987 Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at other high crimes.
Hinimok din niya ang mga Pilipino na huwag mawalan ng pag-asa para sa bansa.
“Sa ating mga kababayan, ‘wag tayong mawalan ng pag-asa na merong mangyayaring pagbabago sa ating bayan at ‘wag tayong mawalan ng pag-asa sa kakayahan natin na maging isang mayaman na bansa.”
Pormal na nagsimula ang impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo noong Lunes, Hulyo 6. Santi Celario