MANILA, Philippines – Naging emosyonal si Ateneo de Manila University President Fr. Roberto C. Yap, SJ, nitong Huwebes habang muling humihingi ng tawad sa pamilya ng nasawing student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, at kinokondena ang cyberbullying laban sa mga nakaligtas na student-athletes kaugnay ng trahedya sa Dipaculao, Aurora.
Ginawa ni Yap ang pahayag sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kaugnay ng student-athlete welfare and protection matapos ang pagkamatay nina Baterbonia at Adili.
“To their families, I once again express my deepest sorrow and my sincerest apologies for everything they have had to endure since June 8. Nothing we say or do today can ever lessen the pain of losing a son,” pahayag ni Yap.
Ayon kay Yap, patuloy na nakikiramay ang Ateneo sa mga pamilya at nagbigay na ng suporta mula nang malaman ang insidente noong Hunyo 8. Sinabi niyang agad na ipinaalam ng unibersidad ang nangyari sa mga pamilya, binisita ang burol, nagdaos ng misa kasama nila, inayos ang transportasyon ng labi ng mga biktima, at nagbigay ng logistical at pastoral support.
Dagdag niya, tinulungan din ng Ateneo ang pagbabalik ng mga miyembro ng basketball team, coaching staff, at support personnel. Nag-alok din aniya ang unibersidad na sagutin ang travel expenses ng pamilya ni Baterbonia patungong Maynila, nakipag-ugnayan sa Ateneo de Davao University upang alalayan sila, at kumilos para mapadali ang pag-uwi ni Adili sa Nigeria.
Ipinaliwanag ni Yap na hindi agad isinapubliko ang marami sa mga hakbang ng unibersidad dahil ginawa ang mga ito nang tahimik bilang paggalang sa privacy ng mga nagluluksa na pamilya.
“We know that none of these efforts can ever fill the void left by Rene and Divine, or change what has happened, or ease the immeasurable loss their families continue to bear,” ani Yap.
Nabasag ang boses ni Yap sa gitna ng kaniyang opening statement habang sinasabi na patuloy na nagbibigay ang Ateneo ng pastoral, psychosocial, at iba pang uri ng suporta sa mga nakaligtas na student-athletes at iba pang miyembro ng komunidad na naapektuhan ng trahedya.
Kinondena rin niya ang cyberbullying, online harassment, at “trial by publicity” laban sa mga nakaligtas na student-athletes, na aniya’y lalo lamang nagpapabigat sa pagdurusa ng mga taong nagluluksa na.
“Our support for those affected does not diminish our commitment to care for every member of our community while the legal processes are ongoing,” pahayag ni Yap.
Sinabi ng Ateneo president na determinado ang unibersidad na matukoy ang nangyari habang nirerespeto ang nagpapatuloy na legal, regulatory, at internal investigations.
Layunin din aniya ng Ateneo na matuto mula sa trahedya at palakasin ang mga sistemang nagpoprotekta sa kaligtasan, kapakanan, at formation ng mga estudyanteng lumalahok sa athletics at iba pang university activities.
“We hear our community’s frustrations and understand the demand for swift action. We share that sense of urgency, but we also owe it to everyone affected by this tragedy to make decisions based on verified facts,” ani Yap.
Tiniyak din ni Yap sa Senado ang buong pakikipagtulungan ng Ateneo sa inquiry habang nirerespeto ang integridad ng mga kasabay na proseso. Dave Baluyot