MANILA, Philippines – Arestado ang isang Irish national matapos umanong sirain gamit ang martilyo ang isang tow truck sa gitna ng road clearing operation ng Metropolitan Manila Development Authority sa Quezon City.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District, nagsasagawa ng road clearing operations ang mga tauhan ng MMDA sa kahabaan ng Regalado Avenue malapit sa Dahlia Street noong Miyerkoles, Hulyo 8, nang mamataan nila ang isang sports utility vehicle na nakaparada sa gilid ng kalsada at walang drayber.
Dahil sa paglabag sa batas-trapiko, inisyuhan ng citation ticket ang sasakyan dahil sa illegal parking at ipinag-utos na i-tow ito patungo sa MMDA Impounding Site sa Marikina City.
Matapos maikabit at ma-secure ang SUV gamit ang clamp ng tow truck, dumating ang Irish national na may-ari ng sasakyan. Nagalit umano ito sa paghila sa kaniyang sasakyan at sinubukang paandarin ang SUV upang makawala sa pagkakasabit sa tow truck.
Nang mabigo siyang maalis ang sasakyan, bumaba umano ang suspek, kumuha ng martilyo, at ilang beses na pinaghahampas ang tow truck, dahilan upang masira ito.
Agad na iniulat ng barangay ang insidente sa Fairview Police Station 5 ng QCPD, na nagresulta sa pag-aresto sa suspek.
Nahaharap ngayon ang Irish national sa kasong malicious mischief resulting in damage to property.
Ipinag-utos din ni MMDA Chairman Atty. Don Artes sa MMDA Legal and Legislative Service na maghain ng hiwalay na kasong kriminal sa Bureau of Immigration para sa deportasyon ng suspek. Santi Celario